Lalaki sa Zamboanga del Sur, usap-usapan dahil sa mahahabang kuko

Imahe mula sa video ng KMJS via Facebook
  • Noon pa man ay gusto nang magpahaba ng kuko ni Jango Braquel, residente ng Zamboanga del Sur, kaya lang daw ay laging pinapuputol ng kaniyang mga guro ang mahaba niyang kuko
  • Kaya nang makapagtapos ng pag-aaral, sinimulan na niyang pahabain ang mga kuko sa kaliwang kamay
  • Ngayon ay umaabot na sa 5 inches ang haba ng mga kuko niya na nilalagyan pa ng kulay ng kaniyang asawa

Isang lalaki mula sa Pitogo, Zamboanga del Sur ang pinag-uusapan ngayon sa social media dahil sa kakaibang haba ng kuko sa kaniyang mga daliri.

Imahe mula sa video ng KMJS via Facebook

Sabi ni Jango Braquel, sinimulan niya lamang pahabain ang mga kuko sa kaliwang daliri noong natapos niya ang kaniyang pag-aaral. Kahit kasi gusto niyang pahabain ito noon ay ipinapuputol ito ng kaniyang mga guro.

Habang sinusubukan na niyang pahabain ang mga ito, naranasan daw niyang maputulan ng kuko noong minsang tamaan ito ng bola kaya doble ingat siya sa mga ginagawa niya. Sa katunayan, noong nagtatrabaho siya bilang habal-habal driver ay aksidente siyang sumemplang. Una pa raw niyang naisip iligtas ang mga kuko bago ang mga pasahero.

Apat na taon daw ang lumipas bago niya naabot ang kasalukuyang 5 inches na haba ng kaniyang mga kuko.

Samantala, dahil sa kakaibang haba ng kuko, hirap si Jango sa mga gawaing bahay, pero naiintindihan naman ito ng asawang si Miming. “Gusto niya kasi na mahaba ang kuko niya. Wala naman siyang ibang bisyo. Hindi siya naninigarilyo at hindi nagsusugal,” sabi niya.

Imahe mula sa video ng KMJS via Facebook

Bilang patunay na walang kaso sa kaniya ang mahabang kuko ng asawa, siya pa raw ang naglilinis at naglalagay ng kulay rito. “Mahalaga sa amin ‘yung kuko ng asawa ko. ‘Yon na kasi ang bonding time namin. Pagtapos maglagay ng kulay, picture taking kami,” sabi ni Miming.

Depensa naman ni Jango sa mga nagtataas ng kilay sa kaniyang mga kuko, “It’s an art. Sobrang mahal ko ‘to. parang ito na nga ang buhay, inaalagaan ko ito.”

Loading…