Lalaking nagpanggap na SEA Games admin staff, napasakamay na ng mga awtoridad sa Makati

  • Napasakamay na ng mga awtoridad ang lalaking nagpanggap umano na admin staff ng 30th Southeast Asian Games
  • Gawain nitong mang-alok ng trabaho sa palaro kapalit ng salapi
  • Natiyempuhan ito na suot pa ang ‘uniporme’ na may tatak na admin staff, kasama na rin ang kaniyang ‘ID’ sa SEA Games

Sa likod ng selda sa Makati City ang bagsak ng isang lalaking nagpanggap na miyembro ng Philippine Sports Commission (PSC) at admin staff sa ginanap na 30th Southeast Asian Games.

Imahe mula sa 2019 SEA Games | Facebook page

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, gawain umano ng 48-anyos na lalaki na mag-alok ng trabaho sa palaro kapalit ng pera.

Suot pa ng lalaki ang kulay pink t-shirt na may nakasulat na admin staff at may tatak ng 30th SEA Games logo. May hawak na ID din umano ang lalaki nang siya ay mapasakamay ng awtoridad.

Ayon sa isang biktima, inalok siya ng lalaki na maging driver sa loob ng 8 araw para sa sahod na nagkakahalaga ng P20,000. Hiningan siya ng lalaki ng P350 na pambayad umano sa medical examination.

“Ang dami niyang kinuhang pera. Katulad ko P10,000 ang kinuha niya. One month advance, one month deposit,” kuwento naman ng isa pang naloko ng lalaki.

Maliban sa pangakong trabaho, nag-alok din ang lalaki ng paupahan kung saan karamihan sa kaniyang mga naloko ay pansamantalang naninirahan sa barangay hall ng Barangay San Isidro sa Makati City.

Imahe mula sa 2019 SEA Games | Facebook page

Nakumbinsi ang mga residente na magsumbong sa mga awtoridad dahil matagal na rin silang naghihintay na makalipat sa ipinangakong paupahan ng lalaki.

Nahaharap ngayon sa kas0ng swindling at estafa ang 48-anyos na lalaki. Depensa nito, may pinagdadaanan lang umano siya kaya niya nagawa ang panl0loko.

Loading…