Lalaking nagtrabaho noon bilang sekyu, janitor, at panadero, top 7 sa LET

Imahe mula sa Facebook | Abzonie Reno
  • Top 7 sa Licensure Exam for Teachers ang lalaking noon ay kumuha ng iba’t ibang trabaho sa Maynila upang makatulong sa kaniyang pamilya
  • Si Abzonie Reno rin ang kauna-unahang Summa Cum Laude ng Caraga State University
  • Tinawag naman niya ang taong 2019 na “best year to date” dahil sa sunud-sunod na tagumpay

Isang lalaki na dati ay kumuha ng samu’t saring trabaho tulad ng pagiging panadero, security guard, at janitor ang nakasungkit ng ika-pitong puwesto sa Licensure Exam for Teachers (LET).

Image mula sa Facebook | Abzonie Reno

Unang Summa Cum Laude ng Caraga State University – Ampayon Butuan City campus ang 27 anyos na si Abzonie Reno. Kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Secondary Education, Major in Math. Sa kaniyang Facebook post, tinawag niya ang 2019 na kaniyang “best year to date” dahil sa sunud-sunod na mga tagumpay.

“From passing the Civil Service Eligibility (Prof Level) Examination (March) to graduating from my undergraduate degree (May) and now (December) passing the Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).  I don’t deserve these, nobody does. It is all God’s overflowing grace,” sabi ni Reno, na nakakuha ng 91.20 percent sa exam.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga tumulong sa kaniya upang unti-unting maabot ang mga pangarap— ang kaniyang ina at mga kaanak, mga guro, kamag-aral, at ang Department of Science and Technology at Commission on Higher Education na nagbigay sa kaniya ng scholarship.

Pero bago ang mga ito, marami munang pagsubok ang kinaharap niya sa buhay.

Huminto na noon sa pag-aaral si Reno dahil sa hirap ng kanilang buhay. Pumunta siya sa Maynila noong 2008 matapos gumraduate ng high school at naghanap ng iba’t ibang trabaho para makatulong sa araw-araw na gastos ng kaniyang pamilya.

Imahe mula sa Facebook | Abzonie Reno

Noong 2015, nagdesisyon siyang bumalik sa Butuan at humanap ng scholarship upang makapag-aral muli. Inamin niya na noon ay nahiya siya dahil mas matanda siya sa kaniyang mga kamag-aral pero hindi niya ito hinayaang makapigil sa kaniyang pagsusumikap.

“Nakakahiya sobrang tanda ko na para maging first year college pa pero ‘yun din po ang naging motivation ko,” sabi niya sa isang panayam sa ABS-CBN. Ikinatuwa niya rin ang pagtanggap ng karangalan. Sabi niya, “Proud [ako] sa sarili [ko]. Hindi ako bumalik ng pag-aaral para mag-excel, bumalik lang po ako para makapagtapos.”

Inspirasyon ngayon para sa mga kabataang kapos pero may pangarap sa buhay ang kuwento ni Reno. Congratulations!

Loading…