Lalaking nanghablot ng cellphone, nakahanap ng katapat sa 16 anyos na babae

Imahe mula sa video ng GMA News via Facebook
  • Nakatagpo ng katapat ang dalawang lalaki na nanghablot ng cellphone ng isang dalagitang Grade 10 student
  • Nahawakan niya ang back rider sa damit kaya tumumba sila sa sinasakyang motor
  • Nahuli ang nanguha ng cellphone habang ang kasama naman niya ay hinahanap pa ng mga awtoridad

Hindi na nakatakas pa ang isa sa dalawang suspek mula sa taumbayan matapos silang habulin ng Grade 10 na babae na kinuhanan nila ng cellphone sa Brgy. Baesa sa Quezon City.

Imahe mula sa video ng GMA News via Facebook

Huli sa CCTV ng Brgy. Baesa ang pangyayaring ito kung saan makikita ang isang 16-anyos na Grade 10 student na hinahabol ang lalaking humablot sa kaniyang cellphone. Nahawakan niya ito sa damit, dahilan upang tumumba ang sinasakyan nilang motorsiklo. Nakatayo rin namang muli ang driver nito habang ang sakay niya ay tumakbo palayo. Inabutan siya ng dalagita at doon na siya pinagtulungang mahuli ng mga tao.

Ang kasamahan naman niyang nakatakas ay pinaghahanap na. Kuwento ng dalagita, nang matumba raw ang dalawa ay narinig niyang sinabi ng isa na “mayayari tayo ngayon.”

“Sumigaw na po ako noon ng ‘Tulong! Tulong! May magnanakaw!’ Tapos po kinuy0g na po siya ng taumbayan,” kuwento ng babae sa GMA News.

Sabi naman ng lalaki na kinilalang si Armando Bautista, 29, na napag-utusan lang daw siya ng kasama para may pang-inom sila. Humingi rin siya ng tawad sa babae pero sagot nito, “Mapapatawad ko siya pero kailangan niya pong pagbayaran ‘yung ginawa niya.”

Ayon sa dalagita, pinag-ipunan niya  ang cellphone na kinuha mula sa kaniya at malaking tulong din ito sa kanyang pag-aaral kaya hinabol niya ang dalawa. Gayun pa man, kahit nabawi ito ay hindi na ito gumagana. Payo na lang niya sa mga kabataan, “’Wag na po kayong gumamit ng cellphone sa daan.”

Pindutin ang imahe para mapanuod ang video via Facebook

Samantala, samu’t sari naman ang reaksyon ng netizens dito. Pinuri ni Les Narra ang katapangan ng estudyante pero binilinan niya ito na ‘wag nang ulitin ang ginawa.

“Ang tapang mo at thank God hindi ka napahamak. Napakaswerte mo. Pero sa mga ganitong sitwasyon, ‘wag na nating ilagay sa peligro ang buhay natin para sa cellphone o kahit anong gamit. Mas mahalaga ang buhay, mapapalitan lahat ng material,” sabi niya.

Mungkahi naman ni Cath Mamuyac, dagdagan ang police visibility para hindi na maulit ang ganitong mga insidente.

Narito ang video na ibinahagi ng GMA News:

 

Loading…