Lalaking tinulungan ni Heart na magkabahay, makikita na ang anak na nawalay nang halos dalawang dekada

  • Tila hango sa teleserye ang kuwento ng buhay ni Mang Jun, ang lalaking tinulungan ni Heart Evangelista at ng PAWSsion Project na magkabahay kasama ang mga alaga nitong aso
  • Ang paghahanap umano niya sa kaniyang pamilya ang naging dahilan ng kaniyang dalawang dekadang pamamalaboy sa kalsada
  • Maganda naman ang salubong ng kapaskuhan ngayon kay Mang Jun dahil magkakaroon siya ng pagkakataong makita ang matagal na niyang nawalay na anak

Matatandaan na nag-viral noon ang pagtulong ng aktres na si Heart Evangelista sa palaboy na si Gil “Mang Jun” Labaguis.

Matapos makita ni Heart at ng dog rescue group na PAWSsion Project ang malasakit ng lalaki sa anim na asong kaniyang inaalagaan sa tabi ng isang gusali sa Gilmore ay tinulungan nila itong magkaroon ng sariling tahanan, batay sa Kicker Daily.

Imahe mula kay @iamhearte | Instagram

Sa kaniyang panayam sa “Rated K,” ikinuwento naman ni Mang Jun ang dahilan sa likod ng kaniyang pamamalaboy sa kalsada sa loob ng dalawang dekada.

Ayon sa 61-anyos na lalaki, bago pa man niya naging tahanan ang bangketa ay kapiling nito ang kaniyang pamilya. Dahil sa magkaibang estado nila sa buhay ng kaniyang misis, pilit silang pinaglayo ng mga magulang ng asawa. Maging ang anak nitong lalaki ay kinuha rin umano sa poder ni Mang Jun.

Sinubukan niya umanong hanapin ang kaniyang pamilya kaya naman napadpad siya sa kung saan-saan. Bagama’t bigo ito sa paghahanap sa kaniyang asawa at anak, sa mga lugar na kaniyang napuntahan naman niya nahanap ang bago niyang itinuturing na pamilya.

Sa mga asong kaniyang inaalagaan niya nadama ang pagmamahal na higit pa sa kaniyang sarili.

“Binigay po sa akin iyan ng pinagtatrabahuhan ko, ‘yung aso. Tapos dinala ko dito [maliit] pa lang, 2016 po ‘yun,” kuwento ni Man Jun. Sunod naman nitong isinalaysay kung paano niya natagpuan ang mga alagang sina Bait at Johny.

Imahe mula sa video ng Rated K

Sa kasagsagan naman ng Christmas party na inihanda ng programang “Rated K,” isang magandang balita ang sumalubong para kay Mang Jun.

Nabigyan ito ng pag-asa na magkikita silang muli ng kaniyang anak, matapos nitong makatanggap ng tawag mula sa nakatatandang kapatid na si Renato na halos 15 taon na rin niyang hindi nakita.

Isasapribado man ng kanilang pamilya ang pagkikita ni Mang Jun at ng kanyang anak, ipinahayag naman nito ang kaniyang pagkasabik sa nalalapit nilang reunion.

Source :

ABS-CBN

Loading…