Linemen na nagtatrabaho sa gitna ng bagyo, inulan ng papuri

Imahe mula sa video ni Francis Kit Manset via Facebook
  • Nanalasa ang bagyong Tisoy sa bansa, dahilan upang magkansela ng pasok sa mga eskwelahan at maging sa trabaho
  • Gayunpaman, may ilang mga manggagawa na mas kailangang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa gitna ng ganitong mga bagyo
  • Pinag-uusapan ngayon sa social media ang isang video na nagpapakita sa mga linemen sa Sto. Tomas, Batangas na sa kabila ng malakas na buhos ng ulan ay ginagawa pa rin ang kanilang trabaho

Dahil sa lakas ng bagyong Tisoy, nagkansela ng pasok sa mga paaralan maging sa mga tanggapan ng gobyerno. Ang ilan namang mga pribadong kompanya ay maagang pinauwi ang kanilang mga empleyado upang masigurado ang kanilang kaligtasan. Pero may mga magigiting na mga manggagawa na mas kailangang magserbisyo sa panahon na may kalamidad.

I-click ang imahe para mapanood ang video via Facebook

Inulan ng papuri ang mga Meralco linemen na nakuhanan ng video habang patuloy na nagtatrabaho sa kasagsagan ng bagyong Tisoy na nanalasa sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Sa video na iniupload ni Francis Kit Manset, unang mapapansin ang lakas ng buhos ng ulan, nagsasayawang mga puno, at hampas ng hangin sa Sto. Tomas, Batangas. Pero ang subject pala ng video ay ang mga linemen na tila may pinuputol na bahagi ng puno.

“Isang saludo sa Meralco at sa empleyado nito, nagseserbisyo sa gitna ng bagyo,” sabi niya sa caption ng 27-second video na ngayon ay may mahigit 2k shares na.

Marami ang humanga sa kanilang kasipagan at pinasalamatan sila sa pagiging tapat sa tungkulin. “Ingat po kayo. ‘Yan ang tawag ng tungkulin nila,” sabi ni Jas Gavino.

Imahe mula sa Facebook | Francis Kit Manset

Samantala, marami rin ang nag-alala para sa kanilang kaligtasan.

“Nakakahanga pero nakakabahala ang kaligtasan ng empleyado,” sabi ng Facebook user na si Ish Mercado. Samantala, si Wil Linsangan naman ay ipinaalala ang pamilyang naghihintay sa kanila. “Pero delikado pa din yan, may pamilya kayong uuwian,” sabi niya.

Kudos sa lahat ng manggagawang tapat sa tungkulin!

Source :

Facebook

Loading…