Lolong naglalako ng duyan, isda at gulay ang sikreto sa malakas na pangangatawan

  • Isang lolo ang patuloy pa ring naglalako at nagtitinda ng duyan sa kabila ng kaniyang gulang
  • Isda at gulay lamang daw ang kaniyang kinakain na sikreto niya sa malakas na pangangatawan
  • Ang naturang lolo ay isang “centenarian” na maaaring makatanggap ng espesyal na benepisyo mula sa gobyerno

Sa kahirapan ng panahon ngayon, marami sa ating mga kababayan ang patuloy pa ring lumalaban upang maipagpatuloy lamang ang pang–araw–araw na pamumuhay, sa kabila ng kanilang gulang.

Itinampok ng isang netizen ang isang lolong naglalako at nagtitinda pa rin ng duyan sa mga lansangan ng isang barangay sa Leyte kahit siya ay 102 taong gulang na. Kinilala ang naturang lolo tindero na si Tony Villanueva.

Imahe mula sa Facebook account ni Rhodz Jimenez Casio Salili

Ayon sa Facebook post ng concerned netizen na si Rhodz Casio–Salili: “Pasikatin natin itong si Tatay Tony Villanueva from Leyte, 102 years old na po siya pero malakas pa at nagtatrabaho nang marangal, nilalako niya ‘yung paninda niyang duyan sa buong Brgy. Rizal, kahit mabigat ang duyan hindi alintana ang pagod makabenta lang…”

Idinetalye rin ng netizen ang sikreto ng matanda sa pagkakaroon ng malakas na pangangatawan kaya nagagawa pa nitong magbuhat ng mga duyan upang ilako. Nanawagan din ang netizen na i-share ng iba ang kaniyang post upang makarating sa mga kinauukulan at matulungan ang matanda na makuha ang mga benepisyo bilang “centenarian”.

“…ang sikreto daw niya sa malakas na pangangatawan ay walang vetsin at karne, puro gulay at isda lang daw kinakain niya, paki–share na lang para may bumili ng paninda niya at makarating sa local government para matulungan at makuha ang benepisyo niya sa edad nya…”

Umani naman ito ng komento mula sa iba pang mga netizen. Sabi ng isa, “Nakalulungkot makakita ng mga matatanda na dapat nasa bahay na sila at inaalagaan pero nagtatrabaho pa rin para lang makaraos sa pang–araw–araw na pangangailangan at pagkain.”

Imahe mula sa Facebook account ni Rhodz Jimenez Casio Salili/Public Domain Image

“Lolo, if I’m there I will buy everything! But pretty sure Lolo, someone will buy it from you,” turan naman ng isa pang netizen.

Payo naman ng isa pang netizen, “Nakatangap na ba ito ng 100,000 pesos para sa Centennial Filipino Citizen? Kung wala pa, tulungan siyang pumunta sa mga kinauukulan, mag–inquire kung paano maka–avail. Malaking tulong iyan sa kanya.”

Kung nasaan ka man ngayon, Tatay Tony Villanueva, lagi kang mag–iingat at pagpalain po kayo ng Poong Maykapal!

Loading…