Lolong nagtitinda pa rin sa kabila ng kalagayan, labis na hinangaan

  • Itinampok ng isang netizen ang isang lolong patuloy pa ring nagbabanat ng buto sa kabila ng kaniyang kalagayan
  • Batay sa mga larawan ibinahagi, mukhang may iniindang kapansanan ang lolo
  • Nabagbag naman ang damdamin ng mga netizens at labis na hinangaan ang naturang matanda

Ang isang taong lumaking masipag, nasanay sa hirap, at may dignidad sa buhay, tumanda man, ay gagawin ang lahat upang maitawid ang kaniyang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto at hindi aasa sa tulong, bigay, o bato ng habag mula sa kaniyang kapwa.

Katulad na lamang ng isang lolo na itinampok ng isang netizen na nakilala sa pangalang Rahma Ameer Iskak, isang babaeng Muslim, kung saan makikitang nagsisikap at nagsisipag pa rin ang matanda sa pagtatrabaho sa kabila ng kaniyang kalagayan. Batay sa Facebook post, may iniindang kapansanan ang lolo.

Imahe mula sa Facebook page na Pinoy Viral sa Masa

Ayon sa caption, “Mabibigo ka sa mga tao, ngunit hindi kay Allah… kaya ang pagsisikap mo ay ibuhos mo sa Kanya na tunay na nagbibigay ng biyaya. Buti pa si Tatay, kahit hirap na hirap na siya sa kalagayan niya, kahit may sakit siya, nagagawa pa rin niyang magtrabaho nang marangal.”

Sa sumunod na pahayag ng netizen, mukhang hindi lamang ang kanyang sarili ang sinusuportahan nito kundi maging ang kaniyang mga anak. Kaya ang tanong niya, “Bakit ang anak kayang tiisin ang magulang pero ang magulang hindi kayang tiisin ang anak, kahit hirap na ito mabuhay lang niya kayo nang marangal…”

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens. May ilang nagsabi na sa edad ng lolo, dapat ay nagpapahinga na lamang ito, o kung nagtatrabaho man, dapat ay minimal na lamang.

“Lolo, dapat po sa gulang ninyo, dapat nasa bahay na lamang kayo. Masyadong mabigat ang ginagawa ninyo sa inyong kalagayan,” turan ng isa.

“Mabuti pa si Lolo, nagtatrabaho nang marangal, hindi kagaya ng iba, kailangan pang gumawa nang masama o kaya nanlilimos. Mahiya naman sana ang mga batugan,” saad ng isa.

Komento naman ng isa, “Sana naman hindi na pinagtatrabaho ng kaniyang mga anak ang matanda. Kawawa naman. Pero malay natin, baka wala na lang siyang choice kundi magtrabaho dahil wala na siyang pamilya?”

Imahe mula sa Facebook page na Pinoy Viral sa Masa

Iba naman ang punto de bista ng isa, “Hayaan ninyo si Tatay. May mga tao kasing lalong nanghihina kapag walang ginagawa. Kung nakasanayan na niyang gawin iyan, hindi na mabigat para sa kaniya. Kaya niyang gawin kahit nakapikit.”

Hati man ang opinyon dito ng mga netizens, iisa lamang ang tiyak. Isa kang dakila at masipag na tao, lolo! Kung nasaan ka man, nawa ay lagi kang mag–iingat!

Source :

Facebook

Loading…