Lotlot de Leon ipinagtanggol si Janine Gutierrez hinggil sa Twitter post nito sa pagbabalik–telebisyon ni Bong Revilla

  • Umalma si Lotlot de Leon sa mga bumabatikos sa kaniyang anak na si Janine Gutierrez
  • Kaugnay ito ng kaniyang cryptic Twitter post sa balitang muling pagbabalik sa telebisyon ni Senador Bong Revilla
  • Sinabi ni Lotlot na walang masama sa ginawa ng kaniyang anak dahil naglabas lamang ito ng tunay niyang nararamdaman sa social media

Ipinagtanggol ng aktres na si Lotlot de Leon ang kaniyang anak na si Janine Gutierrez, isa ring aktres sa GMA Kapuso Network, laban sa mga bumabatikos dito dahil sa makahulugang Twitter post nito hinggil sa napipintong pagbabalik–telebisyon ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Matatandaang may cryptic Twitter post si Janine na may caption na “Oh God” sa ibinahaging balita mula sa GMA News Online, ang online news portal site ng Kapuso Network, noong Disyembre 17, 2019. Kung susuriin, hindi naman binanggit ni Janine kung sumasang–ayon ba siya o tumututol sa pagbabalik–telebisyon ng senador para sa teleseryeng “Agimat ng Agila”.

Imahe mula sa Twitter post ni Janine Gutierrez

Dahil dito, bumuwelta ang mga tagahanga ni Senador Revilla, kabilang ang talent manager nito at kolumnistang si Manay Lolit Solis laban sa komento ni Janine, bagay na sinalag naman ni Lotlot sa pamamagitan ng kaniyang mahabang Instagram post nitong Disyembre 20, 2019.

Nagsimula ito sa pagsasalaysay na noong nagpaalam raw sa kaniya si Janine na gusto nitong mag–artista matapos ang kolehiyo, tinanong daw niya ito kung nakatitiyak ba ito, hindi dahil wala siyang bilib dito, kundi alam niya kasi ang kalakaran sa kanilang industriya.

“When she came to me after college and said, ‘Mama gusto kong mag-try mag-artista’, I asked her, ‘Are you sure?’ I asked her that question not because wala akong bilib sa kanya o sa kakayahan niya, but because I was afraid that this industry that I have grown up into can be very harsh sometimes. Andyan yung pag nagsalita ka kesehodang maganda intention mo nagiging mali pa din para sa iba. Pag nasa industriya ka kailangan maging handa ka sa lahat ng pagbabatikos at sari-saring opinyon,” ani Lotlot.

Sa pagpapatuloy, ‘medyo unfair’ daw kasi sa mga artista na mahusgahan kaagad dahil sa nasabi o nagawa sa harap ng publiko, kabilang na ang pagpapahayag ng opinyon. Kaya naman bilang isang ina, tutol sana siya sa napipisil na kagustuhan ng anak na pasukin ang showbiz at sumunod sa yapak ng kaniyang ina’t mga kaanak upang protektahan ito. Subalit nakita raw niya sa mga mata ni Janine ang masidhing kagustuhan, kaya sa huli, pumayag na rin siya.

“On the other hand I can’t stop her from what she wants for herself, for living her dreams, for proving herself and giving her a chance to go after that. What I saw in Janine’s eyes and felt when we had that conversation that day is that she was willing to learn and “accept everything” that comes with being an artist and be the best version she can be in this profession that she has chosen. That’s why I said yes,” sabi ni Lotlot.

Imahe mula sa Instagram account ni Lotlot de Leon

Ipinagmamalaki ni Lotlot na pinalaki niya sa tama ang kaniyang anak.  “Buong pus0 kong maipagmamalaki that I have raised a daughter that is very respectful, level-headed, smart, humble and willing to take risks when needed. Bilang magulang andito lang ako nakatanaw and praying with all my heart that she will achieve everything that she has only prayed for. In the many years that I have also been in this industry at sa lahat ng nakita at napagdaanan ko…”

Sa huli, sinabi ni Lotlot na may mga “laban” na hindi na lamang pinapatulan at pinapalaki. Wala rin umanong masama sa pagbubulalas ng nararamdaman at pagpapahayag ng saloobin o opinyon. Minsan, kailangan daw itong marinig ng iba, lalo’t nasa tama naman. Sinuportahan niya ang anak sa ginawa nito.

“I have also learned to choose my battles, hindi lahat pinapatulan, sinasagot at pinapalaki. At the same time I have also learned that it’s okay to say what you feel, to give your opinion and to be heard. Hindi kabawasan ng pagkatao yun lalo na kung nasa tama naman. These are all the things that I have learned. Babe, I love you. Just Continue with all the hard work and keep on swimming,” huling talata sa Instagram post.

Marami naman sa mga netizens ang humanga sa katapangan ni Janine. Ayon sa isang netizen, “She’s an adorable woman, she has her own opinion and it’s okay, I still Love admire Janine.”

“She’s right! No need for explanation. You have a brilliant child. Trust her judgement/opinion,” saad naman ng isa.

Nawa ay hindi na lumaki ang usaping ito sapagkat lahat naman ay may karapatang magpahayag ng kanilang saloobin o opinyon, basta’t nasa tamang konteksto at lugar.

Loading…