Magbalik-tanaw sa panahong pahirapang mag-unli at mag-send ng text messages kapag December 24 na

  • Naranasan ng marami sa atin ang suliranin ng pag-register sa unli promos ng telcos kapag sasapit ang Pasko
  • Makapag-unli man, pahirapan din ang pag-send ng messages dahil sa sabay-sabay na paggamit ng subscribers
  • Hindi pa kasi uso ang social media noon kaya ito ang pinakamabisang paraan ng pagpapadala ng mensahe at pagbati

Siguradong nadaragsa ang mga mensahe ng pagbati sa ating mga social media accounts pagdating ng bisperas hanggang araw ng Pasko. Maraming magta-tag sa atin ng pagbati sa Facebook, habang mayroon namang magpapadala ng mensahe sa Messenger at Viber. Ang iba naman ay may pa-photo greeting pa sa Instagram.

Larawan mula sa YouTube

Pero bago naging patok ang pagpapadala ng mensahe sa social media, minsan munang kinapitan ng mga kabataan maging mga matatanda ang pagpapadala ng mensahe sa kanilang mga kaanak at kaibigan sa pamamagitan ng text messaging. Dahil hindi pa laganap noon ang social media, ito na ang pinakamabisang paraan ng pagpapadala ng mensahe at pagbati noon.

Gayunman, tuwing sasapit din ang panahon ng Pasko, nagkakaroon ng suliranin ang mga Pilipino na mag-register sa unlimited text and call promos ng mga network providers. Dahil na rin daw ito sa dagsa ng mga customers nila na gustong makapag-unli. Kaya naman ang ginagawa ng marami sa atin noon ay nag-a-unli na ilang araw bago ng December 24 para mayroon silang load pagdating ng espesyal na okasyon.

Kapag naman sasapit na ang gabi ng December 24, naka-unli man o regular load lang ang pang-text, marami naman ang hindi na makapag-text dahil sa dami ng text messages na ipinadadala ng mga users sa buong bansa. Hindi kinakaya ng network ang bugso ng mga mensahe kaya kahit makalusot man ang text message mo, delayed naman itong darating sa padadalhan mo.

Imahe mula kay Trixie rada | Memories of Old Manila

May mga napabalik-tanaw din sa mga magagandang quotes at picture message na ipinadadala noon kapag Pasko. Sa mga kabataan, usong-uso noon ang group message o GM. Ito ay mga mensaheng ipinadadala para sa lahat ng tao na nasa groups ng iyong contacts.

Isang blog nga na isinulat noong December 2011 ang inalala ang masasayang araw ng paunahang mag-unli at makapagpadala ng text message sa kanilang mga kaibigan at kaanak. Ayon sa kanya, maging pagpapa-load raw noon ay pahirapan na dahil maging mga loading station ay hindi na makapag-send ng mensahe.

“Unli ka? Ang hirap mag-resigster ngayon. Paload nga poooooo. Kailangan competitive ako, dapat ako unang babati. Merry Christmas!” bungad ng blog bilang pag-alala sa klasikong paraan ng pagbati gamit ang text messaging.

Nagpapatuloy din ang suliranin ng mga subscribers noon ng mga telecom companies sa pag-register sa unli tuwing sasapit ang Bagong Taon.

Loading…