Magdyowa huli sa pagbebenta ng mga pekeng MMFF complimentary tickets

  • Magkasintahan nahuling nagbebenta ng mga pekeng MMFF complimentary tickets
  • Ibinebenta ng mga suspek ang mga pekeng passes sa halagang P450 bawat isa
  • Nagbabala ang MMDA na maging ang bumili at gagamit ng pekeng MMFF passes ay huhulihin

Nahuli ng mga awtoridad ang magkasintahan na nagbebenta ng mga pekeng complimentary tickets ng 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa isang entrapment operation sa Guadalupe sa Makati City.

Imahe mula sa Facebook account ni MMDA Chairman Gen. Danny Lim

Ang operasyon laban sa dalawang suspek ay ginawa ng pinagsamang puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Southern Metro Manila District Field Unit, Special Action Force, at ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Kinilala ng mga suspek bilang sina Hanna Evangelista at Carlo Jaramilla; parehong 21anyos at residente ng West Rembo, Makati City.

Batay sa report ng pulisya, umabot sa kaalaman ng MMDA ang ginagawang pagbebenta ng pekeng MMFF passes sa pamamagitan ng social media at humingi ng  ayuda sa kapulisan para masakote ang mga suspek.

Nagpanggap na buyer ang isa sa mga pulis at nakipagkita sa magkasintahan sa loob ng isang fastfood chain upang kunwari ay bibili ng mga passes gamit ang marked money. Hindi na nakapalag ang dalawa nang dakpin sila matapos makapagbenta ng ticket sa halagang P450 bawat isa.

Imahe mula sa Facebook account ni MMDA Chairman Gen. Danny Lim

Kasalukuyan nang nakapiit ang mga suspek sa CIDG-Makati.

Nagbigay naman ng babala sa publiko si MMDA Chairman Gen. Danilo Lim at pinag-iingat laban sa mga nagbebenta ng pekeng MMFF passes. Aniya, maging ang mga gagamit o bumili ng pekeng passes ay huhulihin.

“Ang original na tickets ay may security features at hindi tatanggapin sa mga sinehan ang ticket kapag hindi nakapasa sa authentication process. Ang sinumang mahuhuling may dalang fake na MMFF ticket ay agad na huhulihin at kakasuhan,” babala ni Gen. Lim.

Imahe mula sa Facebook account ni MMDA Chairman Gen. Danny Lim
Source :

Philstar

Loading…