Magpapabinyag na ginang, ipinasasagot ang bayad sa simbahan at cake sa kinukuhang ninang

  • Nadismaya ang isang netizen sa kaniyang kaibigang kinukuha siyang ninang para sa binyag ng anak nito
  • Pinasasagot kasi sa kaniya ang bayad sa simbahan gayundin ang cake
  • Nagbanta pa ang naturang ‘kumare’ na iba na lang ang kukunin niyang ninang dahil wala pala siyang mahihita sa netizen matapos itong tumanggi

Isang karangalan para sa sinuman na mapiling ninong o ninang ng iyong kaibigan para sa kanilang mga anak. Nangangahulugan itong may tiwala sila sa iyo bilang isang marangal na tao na gagabay sa kanilang mga supling kung sakaling wala sila. Iyan naman talaga ang dahilan kung bakit may ninong at ninang sa binyag.

Kaya naman, hindi maatim ng isang netizen na nagngangalang Angel ang ginawa sa kaniya ng isang kaibigang hindi niya pinangalanan, na nag–alok sa kaniya upang maging ninang ng kaniyang anak na bibinyagan. Ibinahagi niya ang thread ng kanilang usapan sa messenger ng Facebook.

Imahe mula sa Facebook account ni Angel Samarita Perez

Batay sa kaniyang Facebook post, kinukuha siyang ninang ng kaniyang “Marz” para sa binyag ng anak nito, na gagawin sa Enero 2020 at isasabay sa pagdiriwang ng pista ng kanilang lugar. Agad naman itong tinanggap ng netizen. Kaya lamang, humirit si ‘marz’ ng pabor, at sinisingil siya ng 800 piso pambayad daw sa simbahan. Hindi lamang iyon, pinasasagot din sa potensyal ninang ang cake na aabot sa 5,000 piso – at 3 layers kasi ito.

Magalang na tumanggi ang netizen sa hinihinging pabor ng kaniyang “soon-to-be-kumare” sana dahil katatapos lamang din ng kanilang bayarin, at magpa–Pasko pa. Babawi na lamang daw siya sa mga susunod na pagkakataon. Subalit iginiit pa rin ng kaniyang kaibigan na sagutin niya ang bayad sa simbahan at cake dahil seaman naman daw ang kanyang asawa.

Inungkat pa ng kaniyang kaibigan ang panlilibre niya sa kanila noong sila ay high school pa lamang. Muling tumanggi ang netizen at sinabi niyang katatapos lamang din ng pagdiriwang ng kaarawan ng kaniyang sariling anak na may 1-layer cake lamang, at hindi porke seaman ang asawa niya, ay mapera na sila.

Sa huli, sinabi ng kaniyang kaibigan na iba na lamang ang kukunin niyang ninang, at kaya siya ang nilapitan, ay dahil galante siya. Hindi napigilan ng netizen na ibahagi sa social media ang kanilang usapan at nilagyan ng caption na “Bakit parang kasalanan ko pa? PS. Di ho nangangawil ng pera asawa ko.”

Imahe mula sa Facebook account ni Angel Samarita Perez

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens. May isang nainis sa asal ng naturang kaibigan at hindi napigilan ang sariling magkomento. “Nakakainis ito, hindi ko mapigilan hindi mag–comment. Kapag walang panghanda, huwag magpabinyag. May masabi lang. Grabe akala pinupulot ang pera! Hirap–hirap magtrabaho eh.”

Bumanat din ang isa pa. “Hahaha grabe si Marz, iba na lang daw kukunin niya at baka may mahita raw siya… kalmado ka pa nga diyan eh, kung iba lang siguro kausap niyan baka namura na ‘yan.”

Kung ikaw ang aaluking ninong o ninang ni “Marz”, papayag ka ba sa mga hinihingi sa iyo? Hindi pa man nagkakabinyagan ay tila magsosolian na agad ng kandila! Maging paalala nawa ito sa iba pang magpapabinyag na hindi gatasan ang usaping ninong at ninang.

Loading…