Malasakit Center, opisyal nang magiging bahagi ng mga pampublikong ospital

  • Isa nang batas ang noon ay panukala lamang ni Senador Bong Go na magkaroon ng Malasakit Center sa bawat pampublikong ospital sa bansa
  • Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 114673 o ang Malasakit Center Act
  • Malaking tulong ito sa mga mahihirap na pasyente sa bansa dahil mapabilis ang pagproseso nila ng mga dokumento sa paghingi ng pinansiyal na tulong mula sa pamahalaan

Ganap nang batas ang Republic Act No. 114673 o ang Malasakit Center Act matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 3, 2019 habang idinaroas ang seremonya sa Rizal Hall sa Malacañan Palace.

Imahe mula sa Facebook page ni Senador Bong Go

Ang Malasakit Center Act ay isinulong sa senado ni Senador Christopher “Bong” Go na layuning maging “one-stop shops” para sa mga mahihirap na pasyente upang agaran silang mabigyan ng tulong. Ang pagtataguyod ng Malasakit Center ay may kaugnayan sa Universal Health Care Law.

Gayunman, nilinaw rin sa batas na hindi tungkulin ng Malasakit Center ang pagbibigay ng mga karagdagang pondo o pinansiyal na tulong sapagkat may mga ahensiya ng pamahalaan na siyang dapat tumupad nito.

Sa ilalim ng batas, ang bawat Malasakit Centers ay marapat na magkaroon ng tig-iisang kinatawan mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office, at ng Philippine Health Insurance Corporation.

Bawat isang kinatawan ay inaatasan na magpoproseso at mag-aapruba ng mga kailangang papeles para sa pinansiyal at medikal na tulong sa mga mahihirap na pasyente.

Imahe mula sa Facebook page ni Senador Bong Go

Ang mga tagapangulo ng bawat pampublikong ospital naman ang siyang magiging direktor ng bawat Malasakit Center na inatasan na tiyaking maayos at epektibo ang pamamalakad dito.

Ayon sa PNA, kasalukuyang may mahigit sa 50 Malasakit Centers na ang matatagpuan sa buong bansa na nagbibigay-serbisyo sa mahigit 200,000 pasyente kada buwan.

Source :

PNA

Loading…