Mayor Isko pinangunahan ang pagsalakay sa mga namemeke ng dokumento sa Recto

  • “Recto University” sinalakay ng Special Mayor’s Reaction Team
  • Kilala sa tawag na “Recto University” ang lugar dahil ang mga diploma at transcript of records ay pinepeke doon
  • Ang operasyon laban sa mga namemeke ng dokumento ay tinawag na “Operation Baliko”

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang operasyon laban sa mga gumagawa ng mga pekeng dokumento sa Recto Avenue sa Quiapo, Manila noong Miyerkules, ika-18 ng Disyembre.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Kilala sa tawag na “Recto University” ang lugar dahil maging ang mga diploma at transcript of records ay pinepeke rin doon.

Kasama ng alkalde ang Special Mayor’s Reaction Team (SMART) na pinangungunahan ni Major Jhun Ibay ang operasyon na sinimulan dakong alas-onse ng umaga.

Sinabi ni Yorme na layon ng operasyon, na tinawag na “Operation Baliko,” na habulin ang mga taong nasa likod ng ilegal na aktibidad, kabilang na ang pamemeke ng mga dokumento at lisensya sa Lungsod ng Maynila.

“Panahon na para maisawata ang Recto University. We know you, we will find you, and when we do, you will not like it. Mag-impake na po kayo. Magsitigil na po kayo. Tama na po ang kabalastugan ninyo sa taumbayan,” mariing babala ni Yorme.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Sa ginawang operasyon, tatlong motorsiklo na may kwestyonableng dokumento ang na-impound. Umabot naman sa 42 katao ang sinita na sa ngayon ay isinasailalim sa beripikasyon ang mga pagkakakilanlan. Sermon naman ang inabot kay Mayor Isko ng barangay chairman na nakasasakop ng lugar

Limampu’t dalawang stalls sa lugar ang nag-ooperate sa bisa ng city-issued permit bilang “printing companies.”

Ayon kay Major ibay, ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno na beripikahin ang permit ng 52 stalls upang alamin kung legal ang kanilang operasyon.

Anim na makina ang kinumpisksa ng raiding team na inaalam kung saan ginagamit ang mga iyon. Ang bilin umano ng alkalde ay wasakin ang mga nakumpiskang makina kapag napatunayang ginagamit ang mga iyon sa pamemeke ng mga dokumento.

Imahe mula sa Manila Pio

Ang pagsalakay laban sa “Recto University” ay isinagawa kasunod ng pagkakadakip sa isang suspek na nagpapanggap na tauhan ng city hall. Gumagamit ito ng mga pekeng resibo. Inamin ng suspek na ang mga gamit na resibo ay ipinagawa sa Recto.

Loading…