Mayor Isko, wawakasan ang “endo” sa Manila City hall

  • Mayor Isko, nangakong mangunguna sa pagtulong sa administrasyon ni Pangulong Duterte na wakasan ang “endo”
  • Ibinida ng alkalde na mahigit 500 job order personnel ang ginawa niyang permanenteng trabahador ng Lungsod ng Maynila mula nang siya ay maging alkalde
  • Sinabi niya na ang pangunahing konsiderasyon sa promotion ay ang haba ng paninilbihan at ang kwalipikasyon ng empleyado

Ipnahayag ni Mayor Isko Moreno na nais niyang manguna ang Lungsod ng Maynila sa pagtulong sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mawakasan ang “endo” (end of contract) o kontraktwalisasyon.

Imahe mula sa Manila PIO

Nitong Lunes, ika-9 ng Disyembre, pagkatapos ng lingguhang flag ceremony, isiniwalat ng alkalde na nais niyang maging “number one implementor” ang Lungsod ng Maynila tungkol sa kampanya ng pamahalaan na wakasan ang “endo.”

Binanggit niya sa kanyang speech na umabot na sa 500 empleyado ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang na-promote niya magmula nang umupo siya bilang alkalde ng lungsod noong June 30. Aniya, polisiya ng city government na ang mga JO o job order personnel ay maging permanente.

“Huwag kayong magkakamali sa akin na ‘pag pinipirmahan ko ang inyong appointment hindi ako nagkakaroon ng kwentada sa aking kaisipan.  Sa loob ng limang buwan… naging polisiya natin sa lungsod na bigyang prayoridad ang mga JO na maging permanenteng trabahador ng lungsod.  Halos inaabot ako ng madaling araw sa pagpirma,’ ani Mayor Isko Moreno.

Binigyang-diin niya na nais ng kanyang pamahalaan na mabigyan ng kapanatagan ang isipan ng mga JO personnel.

Imahe mula sa Manila PIO

Binanggit ng alkalde na may isang JO personnel na dalawampu’t pitong taon nang naninilbihan sa lungsod. Aniya, sa loob ng isang taon ang mga JO personnel ay dalawang beses nagpapapirma ng kanilang appointment paper.

“Ibig sabihin, 54 times na siyang nagpapapirma ng papel. Ganun din, 54 times na siyang nangamba . Imagine that kind of life, that kind of emotion,” ani Mayor Isko.

Nangako si Mayor na magiging patas siya sa gagawing promosyon sa mga empleyado. Sinabi niya na ang pangunahing konsiderasyon sa promotion ay ang haba ng paninilbihan at ang kwalipikasyon ng empleyado.

Loading…