Mga insidente ng pamamato, nagdulot ng pinsala sa mga tren ng PNR

Imahe mula sa PNA at kay JM Lit
  • Mula Disyembre 2 hanggang 21 ay may 14 na insidente na ng pamamato ang naitatala ng Philippine National Railways (PNR)
  • Naging dahilan ito upang mabasag o magkalamat ang mga pinto at bintana ng tren
  • Pakiusap ng administrasyon ng PNR, disiplina ang kailangan upang magamit ang mga tren sa mas mahabang panahon

Sa loob lamang ng mahigit dalawang linggo mula Disyembre 2 hanggang 21, 14 na insidente na ng pamamato ng mga bagon ng Philippine National Railways (PNR) ang naitatala. Nagdulot ito ng pagkakaroon ng lamat o pagkabasag ng salamin ng mga pinto at bintana ng tren.

Imahe mula sa video ni JM Lit via Facebook

Dahil dito, may ibang tren tuloy na huminto muna sa pagbiyahe habang hindi pa nare-repair ayon sa ulat ng GMA News. Isa na rito ang tren na nabasag ang pinto matapos batuhin bandang 12:30 p.m. noong Disyembre 20, sa Canlalay, Binan, Laguna.

Aminado si PNR OIC spokesperson Crissy Ecalnea na nahihirapan silang tugisin ang mga nambabato sa tren dahil gumagalaw ang mga ito at ang mga pasahero naman, kadalasan na nagtatago upang makaiwas sa bato. Pero may nahuli na raw sila noon ngunit pinalaya rin dahil menor de edad.

“Papakawalan din dahil minor nga, pinagsabihan ‘yong magulang. Wala ring magandang dahilan na maibigay, minsan katuwaan,” sabi niya.

Bukod daw dito, may naitatala pa rin ang PNR na mga insidente ng paghahagis ng basura sa mga tren.

Ayon pa kay Ecalnea, habang hindi pa ganap na batas ang panukalang magpaparusa sa mga sumasab0tahe sa operasyon ng PNR, pinasasagot nila sa mga mahuhuli ang pagpapaayos sa mga nasirang tren.

“Hihingi kami ng danyos. Magfa-file ng kaso siguro for danyos or damages to government property,” dagdag niya.

Screen capture mula sa GMA News

Matatandaang kamakailan lamang ay inilunsad ng PNR ang tren na may comfort room, stowable tables, leg rest, at reclining seats.

Pakiusap ni Ecalnea sa publiko, makipagtulungan sa kanila upang mapanatili ang kaayusan ng PNR na tumutulong upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko.

“Lahat ng tren na nakikita ninyo ay pagmamay-ari ninyo, pagmamay-ari natin. Sana ingatan natin para makapag serbisyo sila sa mahabang panahon. Ito ay para matulungan nating ma-ease yong traffic. Makapagdala tayo ng mga tao sa iba’t ibang lugar nang mas mabilis, mas mura.”

Loading…