Mga nakaaaliw na pangalan ng barangay sa Pilipinas

  • Nagtala ang “Spot PH” ng sampung pangalan ng barangay na may nakaaaliw na pangalan
  • Ang barangay o baryo ay pinakamaliit na pamahalaang lokal sa Pilipinas
  • Nagmula ang salitang barangay sa “balangay” na isang uri ng sasakyang pantubig noong unang panahon

Ang barangay, o kilala rin sa tawag na “barrio” ay itinuturing na pinakamaliit na pamahalaang lokal sa Pilipinas. Bawat bayan o lungsod ay binubuo ng iba’t ibang barangay. Ayon sa kasaysayan, nagmula ang konsepto ng barangay sa malaking bangkang “balangay” kung saan nagmula ang pangalan nito. Ang bangkang ito ay itinuturing na pinakamatandang sasakyang pantubig sa Pilipinas.

Bawat barangay ay may pangalan, na nakaugat naman sa kasaysayan nito. Bawat pangalan ay may natatagong kuwento o etimolohiya. Ngunit may mga barangay na sadyang nakapagdudulot ng ngiti at kuryosidad ang pangalan, lalo na kung iba ang kahulugan nito batay sa pang–araw–araw na nakasanayang gamit sa lipunan.

Public Domain Image

Nakapagtala ang “Spot PH” ng sampung barangay sa buong Pilipinas na may nakatutuwang pangalan. Una na rito ang Barangay Baliw sa San Juan, Ilocos Sur. Para sa atin, ang baliw ay taong nasisiraan ng ulo o nawawala sa katinuan. Huwag kayong mag–alala, nasa hustong pag–iisip naman ang mga residente roon.

Pangalawa naman ang Barangay Kaybagal sa Tagaytay, Cavite. Pangatlo ang Barangay Bayag Norte sa Leon, Iloilo. Kung may Norte, may Sur, kaya may Barangay Bayag Sur. Pang–apat ang Sitio Inuman, Barangay Inarawan sa Antipolo, Rizal. Panlima ang Barangay Tinitian sa Roxas, Palawan.

Nasa pang–anim naman ang Barangay Malasin sa Pozorrubio, Pangasinan. Pampito ang Barangay Mataas na Lupa sa Taysan, Batangas. Pangwalo ang Barangay Masuso sa Pandi, Bulacan. Pansiyam ang Barangay Gaya–Gaya sa San Jose Del Monte, Bulacan. At panghuli at pansampu naman ang Barangay Hindi sa Bacacay, Albay.

Nagkomento naman ang mga netizen hinggil dito. Nagbigay sila ng iba pang mga pangalan ng barangay na alam nilang “medyo nakatatawa”.

“Dito sa Batangas, may Barangay Itlugan sa Rosario at Barangay Munting-Tubig sa Ibaan. Tapos meron pang Barangay Sirang Lupa at Barangay Malalim,” pagbabahagi ng isang netizen na tila isang Batangueno.

“Sa Laguna, may Barangay Majada sa Calamba tapos Barangay Maahas naman sa Los Banos,” turan naman ng taga–Laguna.

Public Domain Image

Bago tuluyang pagtawanan ang mga pangalang ito ng barangay, makabubuting alamin muna ang etimolohiya o pinagmulan nito upang maunawaan ang kahulugan, at hindi makasaling o makasakit ng damdamin ng mga residenteng naninirahan dito.

Loading…