Mga pasaway na taxi driver na nangongontrata at namimili ng pasahero, videohan at isumbong sa LTFRB

  • Kampanya laban sa mga pasaway na taxi driver mas pinaigting ng LTFRB ngayong holiday season
  • Ang mas pinaigting na Oplan Isnabero ay isasagawa ng LTFRB field officers mula December 20, 2019 hanggang sa January 3, 2020
  • Maaaring i-video o kunan ng litrato ang paglabag ng taxi driver at isuplong sa LTFRB

Mas paiigtingin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Oplan Isnabero laban sa mga pasaway na taxi drivers na namimili ng pasahero at nangongotrata ng pamasahe.

Imahe mula sa UNTV

Ang Oplan Isnabero, na unang inilunsad noong December 2016, ay naglalayong maprotektahan ang mga pasahero sa mga taxi drivers na hindi sumusunod sa mga alituntunin na kaakibat ng kanilang prangkisa gaya ng tamang paggamit ng taxi meter, tamang panunukli, pagsusuot ng ID at ang hindi pamimili ng mga pasaherong isasakay.

Ang mas pinaigting na Oplan Isnabero ay isasagawa ng LTFRB field officers mula December 20, 2019 hanggang sa January 3, 2020.

Ang payo ng LTFRB sa riding public, dapat isuplong sa kanila ang mga taxi drivers na pasaway na nangongontrata o namimili ng mga pasahero lalo na ngayong Pasko at Bagong Taon. Kunin lang daw ang pangalan ng taxi at ang plate number nito.

“Para po sa mga pasahero natin, lalo na ngayong Christmas season, advice po namin sa kanila sa mga kasong ‘pag sumasakay sila ng taxi at hindi sila sinasakay o minsan nangongontrata, kunin lang nila ‘yung pangalan ng taxi, plate number,” sabi ni Director Joel Bolano, hepe ng LTFRB Technical Division.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Maari umanong ipadala sa kanilang social media account ang reklamo o kaya naman ay tumawag sa kanilang hotline.

“‘Pag nakuha natin ‘yun automatic nating pinapatawag ‘yung operator at driver ng taxi na ‘yun,” sabi ni Bolano.

Kung sakali naman na nakasay na sa taxi at may ginawang paglabag ang driver, pwedeng i-video o kunan ng larawan ang driver sa pamamagitan ng smartphone upang maging ebidensya sa ginawang ilegal na gawain.

Imahe mula sa LTFRB

“May smartphones naman po tayo para po doon sa ebidensiya… makuhanan po sana natin ng video o photo para mas madali natin silang makuha,” ayon pa kay Bolano.

Ang mga taxi driver na mahuhuling nangongontrata o tumangging magsakay ng pasahero ay maaaring patawan ng P5,000 multa. Kalimitan, ang operator o may-ari ng taxi ang pinagmumulta ng LTFRB dahil ang violation ay kaugnay ng prangkisang ipinagkaloob sa kanya.

Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…