Michelle Marquez Dee, ginulat ang netizens sa kanyang national costume para sa Miss World pageant

  • Ginulat ng aktres at TV host na si Michelle Marquez Dee ang mga netizens
  • Bongga kasi ang kanyang national costume para sa Miss World 2019 pageant
  • “Philippine Sun Princess” daw ang tawag sa kanyang costume

Hindi pa tapos ang laban ng mga Pilipino sa beauty pageants ngayong linggo. Matapos ang Miss Universe, isang Pinay pa ang magtatangkang makasungkit ng korona mula sa isang prestihiyosong pageant. Nasa London, United Kingdom na si Michelle Marquez Dee bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss World 2019.

Trending nga ngayon sa social media si Michelle dahil sa kanyang nakamamanghang national costume. Isang kakaibang Filipiniana terno ang ibinida ni Michelle na may disenyong hango sa araw na makikita sa watawat ng Pilipinas.

Larawan mula sa Instagram account ni Michelle Marquez Dee

Sa Instagram account ni Michelle, inilahad niyang ang kanyang national costume ay gawa ng premyadong fashion designer na si Francis Libiran. Ginto ang kulay ng gown na tinawag na “Philippine Sun Princess” at ang detalye ay hango sa araw sa watawat, kabilang ang headdress na kapares ng costume nito.

Mabusisi rin ang detalye ng gown na hango naman sa kilalang Art Deco embroidery na istilo ni Libiran. Ang pattern daw ng embroidery sa gown ni Michelle ay hango naman sa makasaysayang tattoo ng mga taga-Visayas na ‘batek.’

Ayon naman sa Instagram post din ng Aces and Queens, ang Philippine Sun Princess gown ay sumisimbolo sa pagiging positibo at matatag ng mga Pilipino. Ipinakikita rin daw nito ang katapangan at tagumpay ng mga Pilipino na sinisimbolo rin ng ‘batek’ ng mga Visayan.

Bago pa man ipakita sa madla ang kanyang national costume, inumpisahan na ni Michelle na ipakita ang kultura at kasaysayan ng mga Pilipino sa kanyang mga isinusuot sa iba’t ibang kaganapan ng Miss World na ginaganap sa London.

Larawan mula sa Instagram account ni Michelle Marquez Dee

Hindi naman napigilan ng mga celebrity na hangaan ang ganda ng costume ni Michelle na bumagay din sa angking ganda ng ating pambato. Ilan sa mga pumuri kay Michelle ang singer na si Julie Anne San Jose, host na si Tim Yap, at dating Miss World Philippines na Katarina Rodriguez.

Gagawin ang grand coronation ng Miss World sa ika-14 ng Disyembre. Tatangkain ni Michelle, anak ng dating Miss International queen na si Melani Marquez, na sungkitin ang ikalawang Miss World crown kasunod ni Megan Young.

Goodluck, Michelle!

Loading…