MMDA nagbabala ng matinding trapiko sa Taguig City sa Dec. 22 dahil sa 45th MMFF parade

  • Taguig City pinaiiwasan ng MMDA sa Dec. 22, 2019
  • Inaasahan ang mabigat na trapiko sa Taguig dahil sa gaganaping Parade of Stars ng 45th Metro Manila Film Festival
  • Inaasahang aabutin ng walong oras ang parada

Pinaiiwasan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko ang pagdaan sa mga pangunahing kalsada ng Taguig City sa ika-22 ng Disyembre dahil sa inaasahang mabigat na trapiko kaugnay sa gagawing parada ng 45th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Imahe mula sa Facebook page ng MMFF

Ayon kay MMDA general manager Jose Arturo “Jojo” Garcia, Jr., aabutin ng 15.2 kilometers ang haba ng iikutan ng MMFF parade na tinaguriang “Parade of Stars.”

Ito na umano ang magiging pinakamahabang parada ng MMFF na inaasahang tatagal ng mahigit walong oras. Noong nakaraang taon umabot lang sa anim na kilometro ang inikot ng parada.

“We expect that this parade will be the longest parade in the history of the MMFF.  We expect it to take around eight hours,” ani Garcia sa isang press briefing na ginawa sa MMDA headquarters sa Makati City noong Miyerkules, ika-11 ng Disyembre.

Nanawagan si Garcia ng kooperasyon mula sa publiko at hiniling na sana ay huwag harangan ang parada upang makadaan iyon nang maayos.

“Let us not block the floats of the MMFF entries. We are asking the public for their cooperation,” anang MMDA general manager.

Eksaktong alas-dose ng tanghali sisimulan ang Parade of the Stars sa Lakeshore C-6. Maraming kalsada na daraan ng parada ang isasara sa mga motorista. Inaasahang alas-siyete na ng gabi mabubukasan ang mga iyon.

Imahe mula sa Facebook page ng MMDA

Kabilang ang mga sumusunod sa mga isasarang kalsada sa Taguig: ML Quezon mula Dr. A. Santos hanggang MRT; Habang-daan MRT mula M.L Quezon hanggang Cuasay; Habang-daan Cuasay mula MRT hanggang C-5 at sa kanto ng C-5 Service Road at Cayetano Boulevard.

Magpapatupad din ng counterflow sa ilang kalsada.

“Counterflow vehicles will be allowed along Upper Mckinley Road from C-5 to Lawton Ave.,  Lawton – 5th Street from Upper Mckinley to Mckinley Parkway, and along 32nd Avenue (from Mckinley Parkway to 7th Avenue),” ani Garcia.

Ang  “Stop-and-Go” traffic scheme ay ipatutupad sa  C5-Upper Mckinley; C5 Service Road -Sampaguita bridge, Mckinley Parkway- 26th Avenue.

Ayon sa MMDA, walong floats ang kasama sa parade na sasakyan ng mga stars ng MMFF 2019 official film entires.

Loading…