Mommy blogger, may payo sa mga kapwa magulang upang hindi “magjowa” kaagad ang mga anak

  • Nagbigay ng payo ang isang mommy blogger sa mga magulang kung paano maiiwasang “magjowa” kaagad ang mga anak
  • Tatlong payo o tips ang kaniyang ibinigay
  • Marami naman sa mga netizens ang natuwa sa kaniyang ibinahagi

Sabi nga, walang matinong magulang na hindi naghangad ng mabuti para sa kaniyang anak. Gagawin ng magulang ang lahat para sa kaniyang mga supling, lalo na sa panahon ng kanilang paglaki. Kaya naman, kailangang maging maganda ang pundasyon ng paglaki ng isang anak — dahil dadalhin niya ito sa kaniyang pagtanda.

Kaya naman, nagbigay ng payo o tips ang isang mommy blogger na si Dorcas Brion sa iba pang mga nanay upang hindi kaagad “magjowa” o magkaroon ng kasintahan ang kanilang mga anak sa murang gulang.

Ayon sa kaniyang Facebook post, namasyal sila ng kaniyang asawang si Mark sa isang mall. Nakakita ito ng kuwintas na fancy, kaya binilhan nito ang kanilang dalawang anak na babae na sina Faith at Hope dahil nangako sila sa mga ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Dorcas Brion

Nang ibinigay ng kaniyang asawa sa kanilang dalawang anak ang kuwintas, lumuhod pa raw si Mark na tila ba nagpo–propose. Tuwang–tuwa naman daw ang kanilang mga anak. “Lumuhod si Mark sa floor na parang mag-po–propose at ipinaliwanag kina Faith at Hope kung bakit heart ang pendant at kung bakit niya sila binibigyan ng kuwintas.

Dito na pumasok ang payo ng mommy blogger. Nagbigay siya ng tatlong puntos kung paano mailalayo ang mga anak sa maagang pakikipagrelasyon.

Una, speak their love language. Pangalawa, be intentional. At ang pangatlo naman, lead them closer to God, aniya.

Sa unang punto, punuin daw ang “love tank” ng mga anak habang bata pa sila. Hawakan ang kanilang mga kamay, ilabas para sa isang date, bigyan ng tsokolate at bulaklak, purihin, at iparamdam ang pagmamahal upang hindi nila ito hanapin sa ibang tao. Kumbaga, ano pa raw ang hahanapin nila sa labas kung sa loob pa lang ng sarili nilang tahanan , “they could not ask for more” na?

Imahe mula sa Facebook account ni Dorcas Brion

Para naman sa pangalawang punto, maglaan ng sapat na oras at panahon para sa kanila. Pinasubalian ng blogger ang pahayag na “wala akong time” dahil kailangan daw nating magbigay ng oras sa mga tao o bagay na mahalaga sa atin. Mabilis lamang daw ang oras at panahon at hindi na maibabalik pa kaya sulitin ito lalo na sa pagbuo ng relasyon sa mga anak.

At ang pangatlo at pinakamahalaga umanong punto, kailangang ilapit sa Diyos ang mga anak dahil ito ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang pakikipagrelasyon sa lahat. Sabi nga niya, “This is the best relationship they could ever have!”

Pagdidiin niya sa dulo ng kaniyang post: “Alam kong hindi madaling gawin itong tatlo. Baka nasa number one pa lang hirap-hirap na tayo. Pero we can always ask help sa ultimate source ng grace, strength and wisdom para magawa natin ang lahat ng dapat nating gawin bilang mga magulang.

Dagdag pa niya: “Yes, magkakaroon ng sariling choices ang mga bagets natin balang araw, but for now, napakalaki ng bahagi natin para masigurong tama ang choices nila sa mga susunod na panahon.”

Maraming mga netizens ang natuwa sa mga iniwang payo o tips ng mommy blogger. Para sa mga magulang na nakababasa nito, tiyak na ito ay makatutulong para sa inyong mga anak upang mas mapalapit sa inyo at maging mabuting magulang din sa hinaharap.

Source :

Facebook

Loading…