Mommy o mami? Menu ng isang mamihan, mas malaki ang larawan ng modelo kaysa sa mismong pagkain

  • Trending sa Facebook ang menu ng isang kainan dahil sa larawang nakalagay doon
  • Mas malaki pa kasi ang larawan ng modelong babae kaysa sa mismong pagkain na itinitinda
  • Maraming netizens naman ang tawang-tawa sa menu na ito ng kainan na hindi naman tinukoy kung saan matatagpuan

Bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang iba’t ibang kainan. Laganap sa bawat kanto ng bansa ang mga karinderya na naghahain ng mga lutuing bahay sa murang halaga. Nariyan din ang mga tusok-tusok at iba pang mga on the go na tindahan na kabilang naman sa tinatawag na street food na paboritong meryenda ng marami sa atin.

Dahil nga napakaraming mga kainan sa bansa, kanya-kanyang gimik ang may-ari ng kainan upang mapansin ang kanilang negosyo. Maliban sa masasarap at murang pagkain, may mga paandar din ang mga tindahang ito tulad ng kakaibang pangalan, magarang ayos, o naiibang mga promo.

Larawan mula sa Facebook account ni Whindi Lyn Dagdagan

Ngunit ang isang tindahan ngayon ay trending sa social media dahil sa kakaibang menu nito. Normal lang naman ang mga pagkaing tinitinda sa kainan ngunit agaw-pansin ito dahil sa tarpaulin ng menu nila na mas malaki pa ang larawan ng modelo kaysa sa mismong pagkain.

Ini-upload sa Facebook ng netizen na si Whindi Lyn Dagdagan ang larawan ng menu ng isang kainan kung saan makikita ang malaking larawan ng isang babae habang nasa lamesa ang isang bowl ng mami at isang plato ng kanin. Tila kasi ang ‘selfie’ ng babae ang binebenta ng kainan at hindi ang mami with rice dahil sakop ng mukha ng babae ang tarpaulin.

Agad na pumatok sa mga netizens ang larawan na ilang araw pa lamang naka-upload na umabot na sa 21,000 reactions na karamihan ay ‘haha.’ Dumagsa rin ang mga nagkomento na umabot na sa halos 5,000 at tumatagingting na 31,000 naman ang shares.

Biro ng ilang netizens, tila hindi mami kung hindi ‘mommy’ ang gusto yatang ibenta ng kainang hindi tinukoy ng uploader. Sabi pa ng iba, kakaiba raw ang ‘mami’ sa kainang iyon dahil naka-brace pa at mabibili lang sa halagang trenta pesos.

Larawan mula sa Flickr

Ang ilan namang social media users ay kanya-kanyang tag sa mga kakilala nilang kahawig ng babae sa larawan. Mayroon namang nakakuha ng ideya kung paano gagawing mas kapansin-pansin ang negosyo nila sa darating na bagong taon.

May mga nagbahagi rin ng mga nakitang menu na katulad ng mamihan sa viral na larawan.  Mayroon daw namataan ang isang netizen sa kanilang lugar na isang tindahan ng pandesal na mayroong mukha raw ng may-ari ng negosyo kahit wala namang kaugnayan sa binebentang produkto.

Loading…