“Nasa tabi lang natin ang magpapaligaya sa atin” – Aga Muhlach ukol sa buhay may asawa

  • Nagbahagi ng personal na pananaw si Aga Muhlach ukol sa buhay mag-asawa
  • Ibinahagi rin ng aktor kung paano nila napanatiling matatag ang relasyon nila ng misis na si Charlene Gonzales
  • Inamin din ng aktor na ang kaniyang pamilya at ang paggawa ng pelikula ang nagpapaligaya sa kaniya

Sikat na matinee idol noong 1980s ang aktor na si Aga Muhlach na bihira na ngayong gumawa ng pelikula. Kaya kaabang-abang sa marami niyang fans ang pelikula niyang kalahok sa Metro Manila Film Festival – ang Filipino adaptation ng Korean film na Miracle in Cell No. 7.

Ang Miracle in Cell No. 7 ay kuwento tungkol sa isang ama. Sa tunay na buhay, paano nga ba maging padre de pamilya ang isang Aga Mulach?

Imahe mula sa Instagram account ni Charlene Gonzales

Sa isang panayam sa Magandang Buhay, nagbahagi ng ilang personal na impormasyon si Aga tungkol sa buhay niya bilang isang asawa at ama.

Inamin ng aktor na si Charlene ang naging ‘miracle’ niya sa kaniyang buhay. Paliwanag ng aktor, kapag nakita na ng isang tao ang pinakamimithi nito sa buhay, tulad ng 19 years nilang pagsasama ng asawa, ay miraculous na iyon para sa kaniya.

“Huwag na tayong lumayo at maghanap kasi minsan ay nasa tabi lang natin iyong magpapaligaya sa atin,” seryosong sabi ni Aga.

Isa sa mga hinahangaang showbiz couples sina Aga at Charlene. Paano nga ba nila pinapanatiling matatag ang kanilang relasyon?

“In all honesty, really, wala kaming tinatrabaho, it’s just that when I asked her to marry me, and when she said yes, that moment was real.”

“Talagang gusto ko siya. Siya ang nakita kong makakasama ko sa habang-buhay. Hindi ko alam kung bakit ko iyon nasabi at that time but the rest is history. We are 19 years together.”

Ang hindi nawawala sa araw-araw nilang pagsasama ay ang kape sa umaga.

“Yung coffee naming iyon, kapag wala akong work ha, aabutin iyon ng tanghali o hapon. Magkukuwentuhan lang kami. Tapos mag-gym o mag-golf or kung anuman ang gagawin namin. Tapos gabi, iyon na naman, kuwentuhan na naman kami. Araw-araw iyan, hanggang ngayon,” dagdag pa ng aktor.

“I’m really blessed by having this kind of life. Sabi ko nga, kahit tumigil ako sa pag-aartista ko noong hindi ako nagtatrabaho, siya lang kasama ko hanggang ngayon.

“Pamilya lang ang nagpapaligaya sa akin at ang paggawa ng pelikula.”

Imahe mula sa Instagram account ni Charlene Gonzales

Hiningan din ng payo si Aga tungkol sa kung paano mapapanatili ng isang ama ang pagiging solid ng kaniyang pamilya. Sinabi naman ng aktor na kailangan lamang na magmahal ka nang tapat at magdesisyon na kapag pamilyado ka na ay pamilyado ka na.

“For married men, I think it’s not right, sa akin ito ha, parang tama na ‘yung mga boys’ night out. Wala nang mga ganon na ‘I need my time for myself, I need my me time.’ No, no, no… My me time is my family,” paliwanag pa ng aktor.

Awww, paano ka namang hindi mapapahanga sa isang Aga Muhlach?

Source :

YouTube, YouTube

Loading…