Ninong gumawa ng questionnaire para sa mga inaanak

  • Gumawa ng isang questionnaire ang isang ninong para sa kaniyang mga inaanak
  • Bawat tanong ay may katumbas na halagang pera
  • Ang questionnaire ay magsisilbing panukat kung kilala nga ba ng inaanak ang kaniyang ninong o ninang

Isa sa mga tradisyon tuwing sasapit ang pagdiriwang ng Pasko ay ang pagmamano ng mga inaanak sa kanilang mga ninong at ninang. Kalakip nito ang pagbibigay ng aginaldo, na maaaring bagay, o kaya naman ay pera na nakasilid sa pulang sobre na tinatawag na angpao. Ang mga ninong at ninang ay nagsisilbing pangalawa o kahaliling magulang para sa mga anak upang gabayan ang mga ito. Pormal itong nangyayari sa sakramento ng binyag ng mga Katoliko.

Bilang katuwaan, isang ninong na nagngangalang Rjay C. Calaguas ang gumawa ng questionnaire para sa kaniyang mga inaanak; bagay na nagbunsod ng katuwaan sa iba pang mga netizen.

Batay sa kaniyang Facebook post, makikita sa questionnaire na may katumbas na halagang pera ang bawat tanong kapag nasagot ito nang tama ng kaniyang mga inaanak. Hinalaw niya ito sa lumabas na memes noon.

Imahe mula sa Facebook account ni Rjay Calaguas

May pamagat ang questionnaire na “Gaano Mo Kakilala Si Ninong” at nakalagay sa panuto na sa bawat tamang sagot ay may kalakip na pera. Sa unang tanong na may katumbas na 50 pesos, kailangang ibigay ang buong pangalan ni Ninong, at may bawas na 5 piso kapag may kulang o labis na letra.

Ang ikalawang tanong naman ay kung saan nagtapos ng pag–aaral si Ninong na may katumbas na 100 pesos. Ang ikatlong tanong naman na may katulad na katumbas na halaga ay hinggil sa paboritong pagkain ni Ninong.

Para naman sa ikaapat na tanong, kailangang palawigin ng inaanak kung mabait ba ang kaniyang ninong. May katumbas itong 200 pesos. At ang panghuling tanong na may halagang 500 pesos, kailangang tukuyin ng inaanak kung nakausap ba niya ang kaniyang ninong ng sampung beses pataas sa loob ng isang taon. Kapag nasagot nang tama ang lahat ng tanong, tumataginting na 950 pesos ang makukuha ng mapalad na inaanak.

Hindi naman napigilan ng iba pang netizen na maaliw at maisipang gayahin ang pakulo ng ninong sa kaniyang mga inaanak. Sabi ng isa,”Ganito na gagawin ko hahaha, para sa mga inaanak kong 7 years old hanggang 13 years old lang puwede.”

Public Domain Image

Hirit pa ng isa, “Tama lang iyan hahaha, kasi karamihan sa mga inaanak, tuwing Pasko lang nakakaalala sa kanilang mga ninong at ninang eh.”

Nakaaaliw, hindi ba? Gagawin mo rin ba ito sa iyong mga inaanak?

Source :

Facebook

Loading…