Ninong, ‘tumahol’ upang pagtaguan ang inaanak na namamasko

Imahe mula sa Facebook | John Paul Ancient Espera
  • Isang ninong ang pinag-uusapan ngayon sa Facebook dahil sa kakaibang paraan na naisip niya upang taguan ang inaanak
  • Tumahol kasi siya na parang tunay na aso upang takutin ang inaanak na mamamasko sana
  • Epektibo naman ito dahil tumakbo palayo ang kaniyang inaanak, ngunit pampa-good vibes lamang talaga ang video

Bagama’t nagpaalala na ang Simbahang Katolika ukol sa tunay na responsibilidad ng mga ninong at ninang, nitong katatapos na Pasko lamang ay marami ang nagbahagi ng usapan nila ng kanilang mga kumare at kumpare na nagrereklamo sa kanilang regalo.

I-click ang imahe para mapanood ang video via Facebook

Ang isang ninong, hindi na kinailangang umabot pa sa ganitong tagpo dahil may naisip siyang paraan upang mataguan ang inaanak na naghahanap sa kaniya.

Sa video na ibinahagi ni John Paul Ancient Espera, makikita ang isang bata na naghahanap sa kaniyang ninong pero sinalubong siya ng tahol ng mga aso kaya naman sa sobrang takot ay tumakbo na ito palayo sa bahay.

Bumenta naman ito sa netizens at nag-viral na nga.

Sabi ni J. Molina, “‘Yong makikita mo sa mukha ng bata ang excitement tapos biglang takbo dahil akala may malaking aso. Si ninong pala.”

May ilan din na nagbiro tungkol dito. Sa susunod na taon, sabi ni J. Nagata, dapat daw ay magtanong muna kung may aso si ninong bago mamasko.  Sabi naman ni M. Leonen, “Next year baka mas mabangis si ninong, baka maging tiger na.”

Imahe mula sa Facebook | John Paul Ancient Espera

Humanga ang iba sa naisip na pakulo ng ninong na ito. Sabi ni S. Manzanares, “Dapat ganito ginawa natin. Nakabawas sana tayo.” Tip naman ni B. Acedillo, lakasan pa ang tahol sa susunod.

Ngunit paglilinaw ni Ninong sa kanyang Facebook account, scripted lamang ito at pa-good vibes. Nabigyan na niya ang mga bata bago pa man nag-video. Sa katunayan, masaya ang dalawang bata at artista na raw sila dahil sa paglabas ng kanilang video sa telebisyon at sa social media.

Matatandaang ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang tunay na papel ng mga ninong at ninang sa kanilang mga aanakin.

“Ang papel ng ninong at ninang ay maging katuwang ng magulang, gabay. Kahit wala kayong mabigay na pakimkim, regalo ang inyong pagtulong sa magulang, ang inyong panalangin at mabuting halimbawa, mabuting asal, ang inyong pagpaalala sa mga biyaya kapag sila ay lumaki. ‘Yan ang inyong tungkulin,” sabi niya.

Source :

Facebook, YouTube

Loading…