Nostalgia: Alaala sa mga lumang pera

  • Ibinahagi ng isang netizen ang mga nakalkal niyang lumang pera sa kaniyang may kalumaan na ring pitaka
  • Ito ay dalawa, lima, at sampung pisong lumang bills
  • May kaakibat itong mga kuwento, karanasan, at alaala para sa marami

Kasabay ng mabilis na pag–inog ng mundo at paglipas ng panahon ay ang maraming pagbabago sa ating paligid. Kung dati ay telepono, ngayon ay smartphones na. Kung dati ay makinilya ang ginagamit ng isang manunulat, ngayon ay desktop o laptop computer na. At isa sa mga mabilis ding magbago at magpalit ay ang anyo ng mga pera.

Kaya naman, ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Hedeliza Castaneda” sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang mga lumang larawan ng pera noon na nakalkal niya umano sa kaniyang lumang pitaka.

Batay sa kaniyang Facebook post, makikita rito ang mga lumang bills ng dalawang piso, limang piso, at sampung piso.

“Nakalkal ko sa luma kong wallet. Magandang hapon po sa ating lahat.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagkomento naman rito ang netizens, lalo na ang mga inabot ang mga naturang uri ng bills noon, na napakalaki pa ng halaga. May kaakibat itong mga kuwento, karanasan, at alaala.

“Naku, saktong baon ko iyan noong college. Ganyan magbigay ang nanay ko. 10-5-2. Ang natitira sa akin 2 piso or none at all.”

“Nakaka–miss yung mga papel na pera ng lima at sampung piso! Naabutan ko ito, yung tipong ipit na ipit magbigay ng 10 peso bill yung mga tito ko kasi high value eh, almost 100 na equivalent ngayon.”

“Sana maibalik yung dating papel na pera, para may maibigay na pamasko at makatipid nang kaunti… pangit naman coins ilalagay sa sobreng pula.”

Sa kasalukuyan, ang piso, lima, at sampung piso ay nasa anyo ng barya. Ang tanging mga denominasyon na nasa bill ay dalawampu, limampu, isandaan, dalawandaan, limandaan, at isanlibong piso.

Public Domain Image

Subalit bakit nga ba pinapalitan ang disenyo ng mga pera? Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, nasasaad ito sa batas. Ginagawa din ito upang maprotektahan ang integridad ng pananalapi sa bansa. Isa na rin sa dahilan ay upang makaiwas sa pamemeke ng pera.

Karaniwang ang disenyo ng mga pera ng bansa ay sumasalamin sa mahahalagang tao, bagay, hayop, pook, o pangyayari para sa mga Pilipino. Samantala, ang mga lumang pera ay maaaring maging koleksyon. Maaari din itong ibenta sa mga money collectors upang mapagkakitaan.

Loading…