Nostalgia: Basket na isinasabit, mistulang “refrigerator” ang gamit

  • Nanumbalik sa alaala ng mga netizens ang mga ginagamit na basket bilang taguan ng pagkain noong araw
  • Kalimitan itong isinasabit sa kisame ng kusina upang hindi makain ng pusa
  • Kadalasan itong makikita at ginagawa sa mga lalawigan noon, at maging sa kasalukuyan

Likas na mapamaraan ang mga Pilipino lalo na sa pagtatago o pagkukubli ng mga pagkain, lalo na noong mga panahong wala pang refrigerator, o kung mayroon man, walang budget upang bumili nito. Subalit paano nga ba nila ginagawa ito?

Nagpanumbalik sa gunita ng mga netizen ang lumang paraan ng pagtatago ng pagkain upang hindi ito madapuan ng insekto, o maunahan ng mga alagang pusa, dahil sa Facebook post ni Jayne Enyaj sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Ito ay sa pamamagitan ng nakasabit na buslo o basket sa kisame ng bahay.  Ayon sa caption, “Ref namin noon.. Natatandaan ko may lamang palayok at sinaing na tulingan…”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagbahagi naman ng kanilang karanasan at mga salaysay ng gunita ang ilang mga netizen dahil sa naturang mga larawan. May gumagawa pa raw nito sa mga lalawigan, at mas gusto ng mga nakatatanda ang ganitong paraan.

Ayon sa isa, “Nakikita ko yang ganyan sa bahay ng lola ko… haha taguan niya ng mga pagkain. Nakagisnan ko naman sa nanay ko iyan tuwing umaga, kapag umaalis siya, lahat ng luto niyang prito ay nakalagay sa basket.”

“I remember in my childhood we had that at saka para hindi maabot ng pusa yung ulam naming isda. Tinatakpan pa ni Inang ng dahon ng saging para hindi maalikabukan o mataihan ng butiki,” pagbabahagi naman ng isa.

Kuwento naman ng isa, “Taguan namin iyan ng mga dried food gaya ng mga tuyo at daing ni nanay, kasi may pusa kaya isinasabit sa kisame ng kusina. Dapat nga lamang na takpan nang maigi para hindi maiputan ng butiki sa kisame hahaha…”

Maging maingat nga lamang sa pagsasabit ng basket sa kisame, lalo na kung mabigat na ito, dahil maaaring mapigtas ang tali o alambreng ipinansabit dito, at baka tumama sa ulo ng sinumang kasapi ng pamilya, kung siya ay nasa tapat nito.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Public Domain Image

Sa kasalukuyan, bukod sa mga refrigerator, pinagtataguan na rin ng ulam o iba pang pagkain ang plastik na lalagyanan ng pinggan, o kaya naman ay iba’t ibang uri ng plastic container.

Nakakamiss ang mga ganito hindi ba?

Source :

Facebook

Loading…