Nostalgia: Sino nga ba si “Valentina” na kalaban ni Darna?

  • Si Valentina ang mortal na kalaban ni Darna
  • Inilarawan siya bilang babaeng may mga makamandag na ahas sa kaniyang ulo na nagsisilbi niyang buhok
  • Kahalintulad niya si Medusa sa mitolohiyang Griyego

Isa sa mga Pinoy comic series na hindi malilimutan mula noon hanggang ngayon ang kuwento ng pambihirang kabayanihan at pakikipagsapalaran ni Darna. Patunay riyan ang pagsasapelikula at pagsasatelebisyon nito na ginampanan na rin ng mga sikat at mahuhusay na aktres ng kanilang henerasyon tulad nina Vilma Santos, Angel Locsin, Marian Rivera, at marami pang iba.

At s’yempre, hindi mapapalabas ang husay ni Darna kung wala ang kontrabidang susubok sa kaniyang kalakasan at katatagan. Kaya naman, kung napag–uusapan si Darna, kasunod nito ang kaniyang kalabang si Valentina.

Public Domain Image

Ang comic character na “Valentina” bilang mortal na kaaway ni Darna ay nilikha rin nina Mars Ravelo at Nestor Redondo na unang lumabas sa ikalawang episode ng Darna series sa “Pilipino Komiks” noong 1950.

Siya ay ipinanganak na may mga makamandag na ahas sa kaniyang ulo na nagsisilbing buhok. Hindi niya sinasadyang mapaslang ang kaniyang mga magulang nang siya ay lumalaki, kaya kinupkop siya ng isang serpyente na nagngangalang “Kobra”. Si Valentina ang tinaguriang “diyosa ng mga ahas”.

Kung titingnan ang mitolohiya ng mga Griyego o Greek mythology, kahalintulad ni Valentina si Medusa, ang karakter na may mga makamandag na ahas din sa kaniyang ulo, at ginagawang bato ang sinumang taong kaniyang matitigan.

Ilan sa mga tumatak na premyadong aktres na gumanap bilang Valentina sa pelikula at telebisyon ay sina Cristina Aragon, Celia Rodriguez, Cherie Gil, Pilita Corales, Iwa Moto at Alessandra De Rossi.

Sa muling pagtatangkang isapelikula ang buhay ni Darna sa katauhan ng bagong aktres na gaganap nito na si Jane De Leon, palaisipan pa rin sa mga nasasabik nang mapanood ito kung sino naman ang gaganap na Valentina. Kaniya–kaniyang pagbibigay ng mga pangalan ng artista ang mga tao. Subalit malalalaman lamang ito kapag kasado na ang lahat para sa pagpapalabas ng Darna sa pinilakang–tabing sa ilalim ng Star Cinema.

Kaabang-abang!

Public Domain Image

Loading…