Paaralan sa California, ipinangalan sa Pilipinong guro

Imahe mula sa Facebook | SUSD
  • Isang bagong paaralan sa California ang isinunod sa pangalan ng Filipino-American na si Flora Arca Mata
  • Isinulong ng grupong Little Manila Rising ang pagpapangalan nito kay Mata
  • Malaki raw kasi ang kontribusyon ni Mata upang matanggap doon ang mga teachers of color

Ipinangalan ang isang bagong paaralan sa California sa Pinay na si Flora Arca Mata, ang unang Filipino-American na naging guro sa Stockton Unified School District (SUSD).

Imahe mula sa Facebook | SUSD

Ibinahagi ng SUSD ang balitang ito sa pamamagitan ng kanilang Facebook page. “It’s official! The new Stockton Unified School in Quail Lakes will be named the Flora Arca Mata School. We are so pleased to share in the excitement with Flora’s family this evening,” sabi nila.

Pinangunahan ng Little Manila Rising, isang grupo ng mga Filipino-American sa Stockton ang kampanya sa ipangalan kay Mata ang bagong K-8 elementary school.

“Flora Arca Mata was a trailblazer and successfully broke through many racial barriers in the 1930s and beyond,” sabi ng grupo sa kanilang post. Na-hire daw sa SUSD si Mata noong Setyembre 1, 1943 kaya naman pinaniniwalaang siya ang unang Filipina o naging woman of color na nagturo sa SUSD. Nagturo siya rito sa loob ng 32 taon.

Imahe mula sa Facebook | SUSD

Bagama’t nakapagtapos sa University of California – Los Angeles, binalaan daw si Mata na mahihirapan siyang makahanap ng trabaho doon dahil sa kaniyang ethnicity. Sagot daw ni Mata, ayon sa “Remarkable Women of Stockton” ni Mary Jo Gohike, “Why is it that America would educate the minority and not give them the opportunity to use this education? Why is it that they need a college education to be dishwashers?”

“Flora Arca Mata paved the way for all teachers of color in Stockton, one of most diverse cities in the United States. Her dedication to education is an example for all of us, especially our children,” sabi pa ng Litte Manila Rising. Naging matagumpay naman ang kanilang kampanya dahil bumoto ang board of trustees ng SUSD 7-0 para sa pagpapangalan ng paaralan kay Mata.

Yumao si Mata sa edad na 95 noong Disyembre 2013. Naulila niya ang kaniyang anak na sina Eddie Mata at Vida Mata-Longley.

Loading…