Pagala-galang dayuhan na Turkish, tinulungan ng Pilipinong pulis

  • Tinulungan ng isang Pilipinong pulis ang dayuhang Turkish na tuliro at gutom
  • Niloko raw ito ng kaniyang kasintahang Pilipina na may asawa na pala
  • Gustong umuwi sa kaniyang bansa ang Turkish subalit naubos na umano ang pera nito sa hindi nabanggit na dahilan

Lumalabas ang likas na kagandahang–loob ng mga Pilipino lalo na sa panahon ng pangangailangan. Handang tumulong kahit kanino man, maging sa mga dayuhan.

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Eliza Caldoza” ang ipinakitang pagtulong ng isang pulis sa isang dayuhang Turkish noong Nobyembre 26, 2019 sa Ninoy Aquino Internationa Airport o NAIA Terminal 3.

Ayon sa kaniyang Facebook post, hindi nag–atubiling tulungan ng pulis na si “Pat Jayson Apostol” ng Auseegroup ang kaawa–awang Turkish na nagtungo umano sa Pilipinas upang makipagkita sa kaniyang kasintahang Pilipina na mahihinuhang nakilala niya lamang sa social media.

“Shout out kay kuya police sa NAIA T3 na si PAT JAYSON APOSTOL NG AUSEEGROUP. Napakabuti po ng inyong puso sir. Hindi kayo nagdalawang–isip na tulungan ang kawawang foreigner na nagpunta dito sa bansa natin para sa girlfriend niyang Pinay.”

Imahe mula sa Facebook account ni Eliza Caldoza

Ang problema, natuklasan niyang may asawa’t pananagutan na pala ang kaniyang kasintahan kaya hindi siya maaaring tumuloy sa bahay nito. Hindi na naidetalye kung paano naubos ang baon nitong pera, ngunit laking–tuwa nito nang bigyan siya ng makakain ng pulis. Gusto raw nitong bumalik sa kaniyang bansa subalit hindi sapat ang kaniyang pera.

“…hindi siya pwedeng tumuloy sa province ng babae dahil nalaman namin na may asawa pala yung babae. Parang one week lost ang foreigner; Turkish ang lahi nya. Hindi marunong mag–English… kinakausap namin siya thru Google translate language. Mukhang mahirap lang din… halata sa mukha niya na wala pa siyang kain, kaya nang binilhan siya ni kuya police ng food eh naiyak talaga siya… tinanong namin siya kung gusto niyang bumalik sa bansa nila pero hindi na sapat yung pera niya.”

Nanawagan ang netizen na huwag gawing libangan ang panloloko sa mga dayuhan.

“Huwag gawing libangan ang pakikipag–chat sa mga foreigner… Kawawa naman, pupuntahan ka tapos hindi mo masundo dahil may asawa ka na.”

Imahe mula sa Facebook account ni Eliza Caldoza

Umani naman ito ng komento mula sa netizens. May mga nagpayong dalhin siya sa Turkish embassy upang matulungan siya. Samantala, wala pang update kung ano ang nangyari sa naturang Turkish.

Para naman kay Police officer Pat Jayson Apostol, saludo kami sa inyo! Sana ay dumami pa ang mga kagaya ninyo.

Loading…