Pagiging overall champion ng Pilipinas sa 30th SEA Games, sigurado na

  • Sigurado na ang pagiging overall champion ng Pilipinas sa 30th SEA Games
  • Tatlong araw na lang ang nalalabi sa SEA Games at wala nang tsansang makahabol ang ibang bansa sa dami ng medalyang nasungkit ng Pilipinas
  • Ang closing ceremony ng 30th SEA Games ay gagawin sa December 11, 2019 sa New Clark City athletics stadium

Ilang araw na lang ang nalalabi at matatapos na ang 30th Southeast Asian Games at ang Pilipinas, ang host ng palaro, ay nakatakdang maideklara bilang overall champion.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Philippines Facebook page

Ibinahagi ni Philippine Olympic Committee Chairman na si Steve Hontiveros ang magandang balita na magiging pangkalahatang kampeon ang ating bansa dahil nananatili itong nagunguna sa dami ng nasungkit na medalya.

Magmula nang nagsimula ang palaro noong November 30 hanggang December 8, ang Team Pilipinas ay mayroon nang 89 gold medals, 67 silver medals at 70 bronze medals sa kabuuang 226 na mga medalya.

Tatlong araw na lang ang nalalabi bago magsara ang SEA Games at dahil sa malaking kalamangan ng Pilipinas sa bansang pumapangalawa, sigurado na ang pagiging overall champion natin.

Sa kasalukuyan, ang Indonesia ang nasa second place na mayroong 51 gold, 48 silver at 64 bronze medals sa kabuuang 163 medalya. Kasunod nito ang Vietnam na nakasungkit na ng 164 medals – 47 gold, 52 silver at 65 bronze.

“In the bag” na umano ang pagiging overall champion ng Pilipinas, ayon kay Hontiveros.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Philippines Facebook page

“We got this. We are overall champions. Other countries don’t have much left to get gold medals from,” aniya na idinagdag pa na sa nalalabing tatlong araw ay madaragdagan pa ang mga medalya ng bansa.

Sinabi pa niya na dahil sa nabanggit na  accomplishment, dapat umanong maengganyo ang pamahalaan at pribadong sektor na hindi na magdalawang-isip sa pagbibigay ng suporta sa mga atletang Pinoy dahil hindi masasayang ang perang ibubuhos sa kanila.

“This should give interest to the government and the private sector to support all the athletes in all sports because they will realize their money won’t go to waste,” ani Hontiveros.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Philippines Facebook page

Maging si Philippine Sports Commission chairman Butch Ramirez ay ramdam na ang pagwawagi ng Pilipinas. Sinabi niya na higit sa suporta ng pamahalaan, dapat umanong kilalanin at ipagbunyi ang ipinakitang pagsusumikap ng mga atletang Pinoy.

Samantala, nakahabol na rin ng medalya ang Timor Leste at hindi na zero at ito’y ipinagbunyi rin ng mga Pilipino.

Ang closing ceremony ng 30th SEA Games ay gaganapin sa ika-11 ng Disyembre sa New Clark City athletics stadium.

Loading…