Para ‘wag tuluyang malimutan: Museo sa Cavite nag-exhibit ng mga salitang Caviteno

Imahe mula sa Facebook | MDLS
  • Upang ipaalala sa mga kabataan ang mga salitang Caviteno na unti-unti nang nawawala, nagdaos ng exhibit ang Museo De La Salle sa Dasmarinas
  • Tampok sa exhibit ang mga artwork na nagpapakita ng mga salitang hango sa diksyunaryo na isinulat ni Ruthmita Santos Hapin-Rozul
  • Bukas ang exhibit hanggang Pebrero sa susunod na taon. Tumatanggap ito ng mga bisita mula 8 a.m. hanggang 4 p.m.

Marami nang bagong mga salita ang nagsulputan dala ng makabagong teknolohiya. Uso na ngayon ang mag-shortcut ng mga salita kagaya ng “LOL” para sa laughing out loud, “BRB” para sa be right back, o maging “ILY” para sa I love you. Pero kung may mga bagong salitang naglalabasan, mayroon din namang mga salitang noon ay ginagamit at ngayon ay unti-unti na nating hindi naririnig.

Imahe mula sa Facebook | MDLS

Kaya naman upang ‘wag tuluyang mawala ang mga salita sa Cavite na unti-unti nang nakalilimutan, nagdaos ng exhibit ang Museo De La Salle (MDLS) sa Dasmarinas.

Tinawag itong “KUPKOP: Pagbuhay at Pagtaguyod sa mga Pawala Nang Salita Mula sa Diksyunaryong Isinulat ni Dr. Ruthmita Santos Hapin-Rozul.”

Ang diksyunaryong isinulat ni Dr. Rozul ay naglalaman ng 2,651 na mga salitang Caviteño na halaw mismo sa mga tagaroon. Ginawa raw ang exhibit upang ipaalala sa mga kabataan ang mga salitang ito “before they eventually disappear due to Cavite’s changing landscape,” paliwanag ni MDLS Director Cecille Torrevillas-Gelicame.

Isa raw sa naging pagsubok nila sa pagdaos ng exhibit ay kung paano nila epektibong maibabahagi ang lenggwahe.

“Our challenge was: How do we exhibit language which cannot be touched, grasped, nor seen, something that is conceptual considering that MDLS is a lifestyle or heritage museum?” sabi ni Gelicame.

Imahe mula sa Facebook | MDLS

Napagdesisyonan nilang makipagtulungan sa mga kabataang artist mula sa ASTRO LIKHA at DLSU-D upang gumawa ng artwork na magbibigay-buhay muli sa mga salitang halos malimot na. Umaasa raw sila na mapupukaw nito ang atensyon ng mga kabataan.

Mangyayari ang exhibit hanggang Pebrero 29 sa susunod na taon. Bukas ito Martes hanggang Sabado, 8 a.m. hanggang 4 p.m.

Source :

PNA, Facebook

Loading…