Parenting 101: Blogger may paalala sa mga magulang ngayong Pasko na sana ay tandaan

  • Nagpaalala ang isang blogger sa mga magulang ngayong Kapaskuhan
  • Turuan daw ang mga anak na makuntento sa kung anuman ang matatanggap nilang regalo mula sa mga ninong at ninang o sino pa man
  • Huwag magreklamo upang hindi tularan ng mga anak sa kanilang paglaki

Malapit na nga ang Pasko, at isa sa mga inaabangan ng lahat ay ang pagbibigayan ng regalo, kaya nagbigay ng paalala ang blogger na si “Mommy O” sa Facebook page na “OGADventure” para sa mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak na maging kuntento sa kung anuman ang matatanggap nilang aginaldo mula sa kanilang mga ninong at ninang at iba pa.

Ayon sa Facebook post, masaya naman talaga ang magbigay at makatanggap ng regalo tuwing Pasko, lalo na para sa mga bata. Simple lamang naman ang kaligayahan nila. Subalit sa madalas na pagkakataon, ang mga magulang pa nila ang mareklamo sa kung ano ang ibinigay sa kanilang mga anak.

Imahe mula sa Facebook page na OGADventure

“Masaya naman talaga ang bata sa kahit anong ibigay mo. Ang magulang lang naman ang madalas maraming reklamo. Tatawanan ka pa minsan kapag bente lang ibinigay mo. Yung mga tingin na ‘bakit ito lang’… imbis na masaya lang ang Pasko, nagiging pangamba na sa marami. Kasi yung dapat na bukal sa loob na pagbibigay, nagiging obligasyon na.”

Ibinahagi rin ng blogger ang pagpapalaki at turo sa kaniya ng mga magulang hinggil dito. Turo daw sa kaniya na maliit o malaki man ang ibinigay ng kaniyang mga ninong at ninang, matutong magpasalamat. Nadala raw niya ito hanggang sa kaniyang paglaki at magkaroon na rin ng sariling anak.

“Kaya nakuntento kami. In fact, hindi kami namamasko noong mga bata kami, at nadala ko hanggang ngayon sa anak ko, hindi namin dinadala si Baby O sa mga Ninang at Ninong niya, hindi ko inoobliga ang mga tao para bigyan ang anak ko… kasi kung anong kaya nilang ibigay, meron man o wala, okay lang sa amin.”

Sa huli, sinabi ni Mommy O na hindi naman masama ang mamasko, kaya nga lamang, turuan daw ang mga anak na maging kuntento sa kung ano ang ibinigay sa kanilang aginaldo ng kanilang mga ninong at ninang.

Public Domain Image

Umani naman ito ng reaksyon mula sa mga netizens.

“Very well said… mahirap naman talaga sa mga ninong at ninang na mag–isip kung anong ibibigay sa mga inaanak nila, kaya yung mga magulang ng mga bata, maging masaya na lang kayo kahit ano pang ibigay sa mga anak ninyo. Huwag na kayong choosy, mahirap buhay ngayon…”

“Gift is not about money. Gift is not about things. If you are ninong or ninang, you have a responsibility to your inaanak na alagaan sila nang mabuti at mag–inculcate ng mabubuting asal sa kanila, not just for giving gifts for Christmas and other occasions.”

May punto naman si Mommy O, hindi ba?

Source :

Facebook

Loading…