Pasaway na driver na nag-counterflow sa EDSA hindi mahanap ng LTO, PNP-HPG aalertuhin

  • Driver ng SUV na nag-counterflow sa EDSA, hindi mahagilap ng LTO
  • Kinansela ng LTO ang nakatakdang hearing para sa may-ari ng SUV dahil hindi na ito makita sa rehistradong address
  • Nagbabala ang LTO na aalertuhin nila ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police laban sa nasabing SUV driver

Kinansela ng Land Transportaion Office (LTO) ang nakatakdang hearing para sa pasaway na driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na nag-counterflow sa EDSA noong nakalipas na linggo sa dahilang hindi mahanap kung saan ito nakatira.

Screenshot mula sa video ng Dash Cam Diaries Philippines

Ipinaliwanag ni LTO Field Enforcement Division Officer-in-Charge Bob Valera na ang driver ng Toyota Prado na may plakang LUT-111 ay hindi na nakatira sa rehistradong address nito.

Nauna nang nag-isyu ng show cause order ang LTO upang pagpaliwanagin ang driver ng SUV sa ginawang counterflow sa EDSA na lubhang mapanganib. Ayon sa LTO, muli nilang padadalhan ng panibagong show cause order ang may-ari ng SUV sa rehistradong address nito.

Kung hindi pa rin sasagot sa show cause order ang driver ay aalisan na ito ng pagkakataong magpaliwanag.

Nagbabala ang LTO na aalertuhin nila ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police laban sa nasabing SUV driver.

Nakunan ng dashcam ang insidente ng counterflow at ang video nito ay ibinahagi sa Dash Cam Diaries Philippines Facebook page. Batay sa kwento ng uploader, nanggaling ang SUV sa Dasmariñas Village sa Makati City at nag-counterfllow upang marating ang gate ng kalapit na Ecology Village.

Screenshot mula sa video ng Dash Cam Diaries Philippines

“Counterflow is a reckless violation for us. Pero usually kasi kapag ganyan seldom do we consider ‘yung mga reasons unless of course, kung very, very valid ang reasons. Based on what we saw doon sa video, parang hindi siya nagmamadali, eh. Parang gusto lang niya pumasok sa isang subdivision or something,” ani LTO officer-in-charge Bob Valera noong nakaraang linggo.

Pagmumultahin ng hindi bababa sa P2,000 at maaaring isuspinde ng hanggang tatlong buwan ang driver’s license ng SUV driver. Maaaring madagdagan ang penalty na ipapataw sa kanya dahil hindi siya nagdeklara ng bagong address.

Screenshot mula sa video ng Dash Cam Diaries Philippines

Loading…