Payo ng pari sa mag-asawang ikinasal sa simbahan ng Barasoain, nagpaantig sa puso ng mga netizen

  • Ikinalugod hindi lamang ng mga ikinasal kundi maging ng mga panauhin at netizens ang payo ng paring nagsagawa ng seremonya
  • Pinaalalahanan niya ang bagong kasal na huwag kalilimutan at patuloy na mahalin ang kanilang mga magulang
  • Magpasakop at magpagabay pa rin daw sa mga magulang kahit may sarili na silang binubuong pamilya 

Ayon nga sa matandang kasabihan, ang kasal ay hindi isang mainit na kaning kapag isinubo at napaso ay iluluwa lamang. Ito ay sagradong sakramento ng kahit na anong relihiyon o sekta sa buong daigdig, na isang panata ng dalawang nagmamahalan sa harap ng dambana ng Poong Maykapal upang magsama sa hirap at ginhawa.

Kaya naman, ibinahagi ng isang netizen na bagong kasal na nagngangalang Jem Dela Cruz Espiritu ang video ng homily ng paring nagkasal sa kanila, na si Reverent Father Joseph Fidel Roura, dahil sa nakaaantig na payo nito sa kanilang mag–asawa, na sumentro sa pagpapakita ng kagandahang–asal sa mga magulang ng isa’t isa, kahit na may bubuuin na silang sariling pamilya.

Image capture mula sa video ni Jem Espiritu

Batay sa video na makikita sa Facebook post ng ikinasal na netizen sa simbahan ng Barasoain sa Bulacan, ipinagdiinan ni Father Fidel ang malaking gampanin ng mga magulang simula pagkabata nila at hanggang ngayon na ikinakasal na sila. Nagpaalala ang pari na isang kagandahang–asal ang pagpapasakop at pagpapagabay sa mga magulang na hindi dapat kalimutan.

Dapat daw nilang mahalin ang mga magulang ng bawat partido, gaya ng pagmamahalan nila sa isa’t isa. Sukat nito ay hindi napigilang mapaluha – hindi lamang ang bride at groom – kundi maging ang kanilang mga magulang. Pinagkamay pa ng pari ang mga magulang nila.

Nalugod naman ang mga netizens sa binitiwang mga paalala ng pari. Sabi ng isa, “Wow nakaka–touch naman ang mensahe ni Father, ngayon ko lang iyan narinig sa isang priest. I hope everyone learned a lesson.”

“Thanks po Father for such a heartfelt message to the newly weds. Sana maintindihan ito ng ikinasal na mag–asawa kasi may mga nakapag–asawa na wala nang pakialam sa mga magulang o mga kapatid kasi raw may sarili na silang pamilya,” turan naman ng isa.

I-CLICK ang IMAHE para mapanood ang video video ni Jem Espiritu | Facebook

Isa pang netizen ang nakaugnay sa sinabi ng pari. “Sobrang galing mo po, Father. Naaala ko tuloy ang aking kasal. Tama po kayo. Honor thy father and mother and everything will be okay.”

Hindi nakapagtataka na umabot na sa mahigit 14 milyon na views, 225K shares at halos 4K comments na ang nakuha ng video ni Father Fidel.

Kudos po kay Father Fidel at pagbati sa bagong mag–asawa! Nawa’y manatili sa inyong mga puso at isipan ang payo ni Father Fidel, at gawing sentro ang Diyos sa inyong pagsasama.

Loading…