Pedicab driver na lolo, labis na napasaya ang pasahero na nawalan ng pitaka at mga card

  • Isinauli ng isang matandang pedicab driver ang napulot niyang pitaka na pagmamay–ari ng kaniyang pasahero
  • Labis ang pasasalamat ng ina ng pasahero dahil sa kabutihan at katapatan ng naturang pedicab driver
  • Umani naman ng paghanga mula sa mga netizens ang naturang tapat na pedicab driver

Masusubok ang tunay na pagkatao ng isang tao sa panahon ng mga alanganing sandali, o mga pagkakataong mahirap ang pinagdaraanan subalit pinipiling maging matuwid at marangal. Katulad na lamang ng isang lolong pedicab driver na nagpakita ng kabutihan at katapatan sa pamamagitan ng pagsasauli sa napulot niyang pitaka, na naiwanan ng kaniyang pasahero.

Imahe mula sa Facebook account ni Veronica Batac

Ayon sa Facebook post ng nanay ng pasahero na si Veronica Batac, isinauli nga ng isang pedicab driver na nakilala sa pangalang “Mang Jerry” ang naiwang pitaka ng kaniyang anak na naglalaman ng perang sinuweldo sa pagtatrabaho,  mahahalagang ID, at ATM card.

“Maraming thank you mamang side car driver sa pagsauli ng wallet ng anak ko kagabi, sobrang iyak niya dahil naroon ‘yung sinahod niya sa work kagabi at lahat ng ID at ATM niya, naawa ako nang sobra sa anak ko dahil namaga na mga mata sa kakaiyak…,” bahagi ng post ng ina.

Hindi makapaniwala si Veronica na may mga tao pa palang may tapat at malinis na pus0 sa panahon ngayon. Hindi rin tinanggap ni Mang Jerry ang iniaabot nilang kaunting pabuya. Masarap daw sa pakiramdam na may taong kagaya ni Mang Jerry, na kahit hirap ay minabuti pa ring gawin ang tama.

“…ayaw mo pa kunin yung i–aabot ko sa iyo… napakasarap sa pakiramdam na may taong katulad ni Mamang Jerry na napakabuting tao, sana lahat katulad mo.. thank you po talaga nang sobra… the best ka po.”

Hindi lamang si Veronica at ang kaniyang anak ang nalugod sa lolong pedicab driver kundi maging ang mga netizens. Nagpahayag sila ng paghanga para kay Mang Jerry.

Imahe mula sa Facebook account ni Veronica Batac

Sabi ng isang netizen: “God bless po Mang Jerry, patunay na may magagandang loob pang taong natitira. Saludo po kami sa kabutihan ninyo.”

Dagdag pa ng isa: “Nakita ng Diyos ang iyong mabuting puso kaya ibubuhos Niya at sa pamilya mo ang masaganang pagpapala. Salamat po Mang Jerry.

Kudos, Mang Jerry! Nawa’y dumami pa ang mga katulad ninyo. Pagpalain!

Source :

Facebook

Loading…