Philippine High School for Sports, ilulunsad sa New Clark City matapos ang SEA Games

  • Ipinapanukala ngayon ang pagtatayo ng Philippine High School for Sports (PHSS) sa New Clark City
  • Sa tulong daw nito ay mas mahahasa ang husay ng mga atletang Pilipino na nakilala na ngayon sa buong mundo
  • Planong umpisahan ang unang klase ng PHSS sa 2021 kung makapapasa ang panukala

Marami ang humanga sa ganda at lawak ng itinayong New Clark City sa Capas, Tarlac. Ito ay isang 9,450 hectares na lupaing tinayuan ng pamahalaan ng iba’t ibang sports facilities tulad ng Athletic Stadium, Aquatics Center, at Athlete’s Village kung saan maaaring tumuloy ang hanggang 1,500 na katao. Sa New Clark City idinaraos ang Southeast Asian (SEA) Games kung saan ang Pilipinas ang host.

Ngunit sa mga nagtatanong kung anong mangyayari sa New Clark City matapos ang SEA Games, maliban sa planong iparenta ito para sa mga commercial leagues at iba pang sporting event, isinusulong ngayon ng ilang senador ang pagtatayo ng Philippine High School for Sports sa nasabing magarbong sporting area.

Larawan mula sa Facebook account ng BCDA

Nakapaghain na raw ng panukalang batas ang ilang mga senador upang maisulong na magkaroon ng Philippine High School for Sports na makatutulong upang malinang ang kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng palakasan at maihanda ang mga ito sa iba’t ibang international leagues na sasalihan ng bansa.

Si Senador Sherwin Gatchalian ang isa sa mga sponsor ng Senate Bill No. 1086 na bubuo sa Philippine High School for Sports. Co-authors naman ng panukala sina Senador Sonny Angara, Bong Go, at Pia Cayetano na kilalang tapagsulong ng sports sa bansa.

Ayon kay Gatchalian sa kanyang sponsorship speech, sa ganitong paraan daw ay mas magiging handa ang mga atletang Pilipino sa kanilang mga sasalihang events abroad, lalo na ngayon na unti-unting nakikilala ang mga Pilipino sa iba’t ibang sports tulad ng basketball, boxing, gymnastics, at weightlifting.

Kung maisusulong daw ang Philippine High School for Sports, ay mas maraming Pilipino pa ang magiging world champion. Mas mararamdaman din daw ng mga atleta ang kanilang halaga kung magkakaroon ng espesyal na paaralan para sa kanila.

Larawan mula sa Facebook account ng BCDA

Suportado rin ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang pagtatayo ng Philippine High School for Sports na siya ring nanguna sa pagtatayo ng New Clark City. Kung matutuloy ang proyekto, tatlong ektaryang lupa raw ang kanilang ilalaan para sa pagtatayo ng high school para sa isports.

Kung magtutuloy-tuloy ang pagsulong sa nasabing panukala, nais ng mga senador na makapag-umpisa agad ng klase ang Philippine High School for Sports sa taong 2021 upang maging handa ang mga atleta sa mga susunod nilang torneyo.

Source :

BCDA, GMA News

Loading…