Plastic, ipagbabawal na sa Quezon City sa 2020

Imahe mula sa Pixabay
  • Sa susunod na taon, ipagbabawal na ang paggamit ng mga single-use na plastic sa Quezon City
  • Ito raw ay upang mabawasan ang plastic waste sa lungsod
  • Umaasa naman ang environment group na Eco Waste Coalition na mapatutupad ito sa buong bansa

Upang makatulong sa pagbabawas ng plastic waste, ipatutupad na ng Quezon City government ang pagbabawal sa mga single-use na utensils at plastic bags simula sa susunod na taon.

Imahe mula sa Facebook | Mayor Joy Belmonte

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, inamyendahan ng City Ordinance No. SP-2868 ang umiiral nang ordinansa na nag-uutos sa mga supermarket at department store na maningil ng P2 para sa mga plastic bag. Sa 2020 ay tuluyan nang ipagbabawal ang paggamit ng plastic bags.

Samantala, ang City Ordinance No. SP-2876 naman ay ipatutupad simula sa Pebrero 2020 para mabigyan ng sapat na panahon ang mga maaapektuhan nito. Ipagbabawal na nito ang paggamit sa mga single-use na plastic at maging paper utensils sa mga dine in customers ng mga restaurant, coffee shops, at iba pang establishments.

Hindi naman daw kasama sa ban ang mga “plastic labo.”

Ipagbabawal na rin ang pamimigay ng mga sabon, shampoo, conditioner, at iba pang gamit sa mga hotel na nakalagay sa single-use containers.

“The local government of Quezon City is taking this action to prevent and reduce the generation of waste materials that are hardly recovered and recycled, and to promote sustainable practices, especially in the city’s thriving hotel and restaurant industry,” sabi ni Belmonte.

Ang mga lalabag sa batas ay magbabayad ng multang P1,000 para sa first offense; P3,000 naman ang multa sa second offense at kanselasyon ng environmental clearance certificate. Iisyuhan din sila ng cease and desist order ng Business Permits and Licensing Department ng QC; sa 3rd offense, mumultahan sila ng P5,000 at irerevoke ang kanilang permit. Bibigyan din sila ng closure order ng QC.

Imahe mula sa Pixabay

Ikinatuwa naman ng EcoWaste Coalition ang batas na ito. Sabi ng national coordinator nito na si Aileen Lucero, hakbang daw ito patungo sa tamang direksyon.

“This action from the ground should encourage the speedy approval of a robust national legislation phasing out single-use plastics and other disposables to advance the consumption and production agenda in the country,” sabi ni Lucero.

Loading…