Popster moves: Bago ang ‘Tala,’ pinaindak muna ni Sarah Geronimo ang mga Pinoy sa kanta niyang ‘Sa Iyo’

  • Napabalik-tanaw ang maraming netizens sa unang dance hit na ipinauso ni Sarah Geronimo
  • Bago raw kasi sumikat ang Tala, napasayaw niya muna ang mga Pilipino sa awitin niyang Sa Iyo
  • Gumawa na rin ng dance cover ng Sa Iyo ang vlogger na si Mimiyuuuh na nagbigay ng nostalgia sa maraming Popsters

Sikat ngayon ang awitin ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo na Tala. Kahit ilang taon na mula nang ilabas ang kanta, patuloy ang LSS sa  maraming Pilipino sa awitin na sinasabayan pa ng dance moves na pinauso rin mismo ni Sarah.

Dahil sa popularidad ng kanta, nagkaroon na ng iba’t ibang dance covers online ang Tala. Mula sa mga celebrities, ordinaryong Pilipino, maging mga Pilipinong nagbakasyon sa abroad ay hindi nagpahuli at nag-upload rin ng kanilang Tala dance cover sa social media.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng Viva Records

Ngunit bago pa mapaindak ni Sarah ang mga Pilipino sa awitin niyang Tala, sa kanyang unang album pa lamang ay napasayaw na niya ang mga Pilipino, partikular ang mga kabataan, sa kanyang kantang Sa Iyo. Kabilang sa debut album niya na “Popstar: A Dream Come True” ang Sa Iyo at nagsibli ito bilang ikalimang single na inilabas ni Sarah.

Sumikat ito noong 2004 dahil na rin sa maaaring sayawin ang kantang ito ni Sarah. Tulad ng Tala ay mayroon ding kakaibang dance step ang Sa Iyo na agad namang pumatok sa mga kabataan. Naging paborito itong sayawin noon sa mga school programs katulad ng Christmas party.

Tumatak din sa mga fans ang porma ni Sarah sa music video ng Sa Iyo. Maraming mga kabataan noon ang gumaya sa makulay na suot ni Sarah, kabilang ang kanyang malaki at makulay na fancy earrings. Dahil bago pa noon sa showbiz, halatang hindi pa sanay si Sarah sa pagsayaw. Ngunit makikita na ang talento nito bilang isang total entertainer na nahasa na rin sa paglipas ng panahon.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Mimiyuuuh

Sinasabi rin ng fans niya na ang Sa Iyo rin daw ang dahilan kung bakit may Sarah G na mahusay sumayaw ngayon. Napatunayan daw kasi ni Sarah na hindi lamang siya isang biritera kundi kaya rin niyang magpasikat ng mga awiting maaaring sayawin.

Maraming netizens din ang naalala ang Sa Iyo dahil sa dance cover na ginawa ng vlogger na si Mimiyuuuh. Bentang-benta sa mga netizen ang dance cover ni Mimiyuuuh na umabot na sa 90,000 reactions, 7,500 comments, 22,000 shares  at 1.1 milyon ang views ilang araw matapos i-upload.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…