Pormang murang-mura lang: Palara o foil, ginagawang braces ng mga batang 90s

  • Nostalgic para sa maraming batang 90s ang paggamit ng foil bilang braces
  • Ang mga palara ng iba’t ibang produkto tulad ng chocolate at bubble gum ay ang siyang ginagawang ‘braces’ ng mga bata noon
  • Kanya-kanya namang pagbabahagi ng kanilang karanasan ang mga kabataan noon sa kanilang improvised braces

Dahil hindi pa ganoon kamoderno ang teknolohiya noon, karaniwan na sa mga batang 90s ang mag-improvise ng mga bagay na paglilibangan nila. Maraming laruan ng mga kabataan noon ang gawa lamang sa mga niresiklong papel, plastik, at mga pakete.

Hindi rin pinalampas ng mga kabataan noon na gumawa ng pamporma nila mula sa mga niresiklong materyales. Isa sa mga paboritong gawin ng mga kabataan noon ay ang gawing braces sa ngipin ang palara o foil ng ilang produkto.

Larawan mula sa Facebook post ni Zhak Mhatii

Ito ang naging laman ng Facebook post ng netizen na si Zhak Mhatii sa group na Kami ang Batang 90s. Ibinahagi niya ang kanyang alaala noong kabataan kung saan nausong gawing braces ang makikinang na foil ng mga pagkain.

Inilalagay at ibinabalot ito ng mga kabataan noon sa kanilang ngipin na nagbibigay naman ng ilusyon na mayroon silang braces dahil sa makintab nitong hitsura.

Madalas na mula sa sikat na brands ng bubble gum ang mga palara na ginagawang braces ng mga batang 90s. Mayroon ding ilang kilalang crunchy cookies at mallow cookies na mayroong foil na pabalat na maaaring gawing braces. Maliban kasi sa instant braces na ito sa ngipin ay masasaid mo rin ang tira-tirang tsokolate na naiwan sa pakete kapag inilagay mo na sa iyong ngipin.

Makinang na palara din ang pabalat ng mga kilalang mumurahing chocolate brands katulad ng Hany at choc nut. Kung medyo nakaluluwag naman o may kaanak na galing sa abroad, pwedeng-pwede rin ang mga pabalat ng imported chocolate brands tulad ng Hershey’s at Toblerone.

Hashtag relate naman ang maraming netizens sa post na ito ni Zhak. Kanya-kanya silang bahagi ng kanilang karanasan.

Larawan mula sa Facebook post ni Zhak Mhatii

Sabi ng isang netizen, noon daw, kapag mayroon siyang braces na mula sa foil ay maangas siyang maglakad dahil feel na feel niya ang kanyang ‘braces.’

Mayroon namang mga netizen na pangangatawanan daw talagang braces ang mga palara mula sa tsokolate at tsiklet at hindi aalisin kahit matutulog na sila. Ang iba naman ay napabalik-tanaw kung paano ginagawang nakadikit pa rin ang braces nila.

Sabi ng ilang social media users, tiis-ganda nga raw sila noon dahil sinisipsip lang nilang maigi ang foil para hindi bumagsak agad at kumapit sa ngipin nila. Ipinagmamalaki rin nila na sa halagang piso ay mayroon na silang instant braces.

Loading…