Puting van na namimigay ng regalo, inaabangan ng mga bata sa Bataan

Imahe mula sa Facebook | Rustan Padua
  • Kinatatakutan ang mga puting van matapos mapabalitang may mga kabataan umanong dinudukot gamit ang katulad nito
  • Sa Bataan naman, isang puting van ang inaabangan
  • Naghahatid kasi ito ng tuwa sa pamamagitan ng pamimigay ng mga regalo

Nitong mga nakaraang buwan ay naging laman ng balita ang mga puting van na diumano ay nangunguha ng mga bata. Kahit ilan sa mga ito ay napatunayan na fake news, marami pa rin ang natatakot sa tuwing may dumaraan na puting van sa lugar nila.

Pero sa Bataan, sa halip na katakutan ay inaabangan ng mga bata ang pagdating ng isang puting van dahil sa dala nitong mga biyayang laruan. Ayon sa ulat ng GMA News, mahigit dalawang dekada na raw na tradisyon ito ni Rustan Padua.

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube

Naisipan niya raw itong gawin dahil noong bata siya ay may mga pagkakataon na hindi siya nakatanggap ng laruan kahit pa araw ng Pasko.

“Noong mga bata kami, bihira na magkakaroon ka ng laruan. Minsan kahit magpapasko, hindi ka pa rin nakakatanggap,” pagbabalik-tanaw niya.

Iba raw ang kaligayahan na dulot ng mga ngiti ng mga batang nakatatanggap ng mga laruan galing sa kanila. “Sa akin, iba ‘yong feeling noon na makikita mo ‘yong ibang bata na may mga laruan, nakakatanggap ng regalo,” sabi pa ni Padua.

Nitong Disyembre 15 lamang, nagpasalamat si Padua sa mga tumulong sa kanilang proyekto at ibinahagi niya na naging matagumpay ang misyon nilang pasayahin ang mga kabataan.

Imahe mula sa Facebook | Rustan Padua

Galing sa bayan ng Mariveles ay umabot daw ang van sa Dinalupihan kaya naman mahigit 900 laruan, 5,000 candies at chocolates, 100 notebooks at mga papel, 200 puto, at 20 na school bags ang naipamigay nila. “Sakay ng van ang 14 na volunteers na hindi alintana ang pagod at pagal ng katawan, makapaghatid lamang ng kasiyahan,” sabi niya. “Nawa po ay pagpalain tayong lahat ng ating Poong Maykapal lalo na sa mga bukas ang kamay at puso sa pagtulong sa kapwa.”

Source :

YouTube, Facebook

Loading…