Saludo! Mga pulis sa Ilocos Norte, nagpatayo ng bahay para sa isang 98 anyos na lola

  • Gumawa ng bahay ang mga pulis mula sa Ilocos Norte para sa isang 98 anyos na matanda
  • Nakilala nila ang matanda nang bigyan nila ito ng groceries at pagkain noon
  • Nanggaling sa mabubuting netizens ang donasyon para maitayo ang bahay habang ang mga pulis naman ang nagtayo nito

Napabalita kamakailan ang sunod-sunod na pagmamagandang loob ng mga miyembro ng Kapulisan. Mayroong mga p0lice officers na nagbigay ng pagkain sa dalawang batang lansangan, habang ang dalawang pulis naman mula sa Caloocan ay binilhan ng pagkain ang isang namamalimos.

Hindi pa natatapos ang pagpapakita ng malasakit ng mga alagad ng batas. Trending naman ngayon ang mga pulis mula sa Ilocos Norte na gumawa ng tahanan para sa isang 98 anyos na lola. Sabay-sabay na kumilos ang mga officers, mapababae man o mapalalaki, upang mabigyan ng maayos na tirahan ang matanda.

Larawan mula sa I Love PNP page

Ayon sa Facebook page na I Love PNP, nagsanib-pwersa ang mga officers mula sa Badoc Patrolbase, 101st Maneuver Companya, RMFB1, at P0lice Regional Office 1 upang maitayo ang bagong bahay ni Lola Celerina mula sa Barangay Labut, Badoc, Ilocos Norte. Hindi man nila kaano-ano ang matanda pero ibinuhos nila ang kanilang panahon at lakas upang mapasaya ang matanda.

Nag-umpisa lamang daw ang pagmamalasakit ng mga pulis sa pagbibigay ng pagkain at groceries kay Lola Celerina. Marami daw netizens na nakapansin at nahabag sa kalagayan ng matanda kaya naman nagpadala ang mga netizen ng tulong sa kanila.

Mula sa mga nalikom na tulong, ay bumili ng materyales ang mga officers at nagtulong-tulong na itayo ang bahay ng matanda. Ang halos matutumbang bahay na kahoy ni lola, ngayon ay sementado na at mayroon nang maayos na bubong. Nilagyan pa ng mga kasapi ng PNP ng streamer na nakasulat na iyon ay bahay ni Lola Celerina.

Paglilinaw ng I L0ve PNP Page, hindi naman daw inabandona si Lola ng kanyang mga anak. May dalawa raw itong anak na lalaki ngunit tanging pagsasaka lamang ang ikinabubuhay ng mga ito na hindi rin sapat sa kanilang pangangailangan. Talaga lamang daw nagmagandang loob ang mga pulis para mapasaya ang matanda at maging ligtas at komportable ito.

Larawan mula sa I Love PNP page

Marami namang humanga sa ipinakitang pagmamalasakit ng mga officers para sa matanda. Sa katunayan, umabot na sa higit 50,000 reactions, 3,300 comments, at 37,000 shares ang post nila tungkol sa napakagandang kawanggawa na ito.

Nagpasalamat sila sa mga pulis dahil batid nilang hindi biro ang sakripisyo ng mga ito para lamang mabigyan ng magandang tahanan ang matanda. Hiling nila na sana ay mas dumami pa ang mga ganitong opisyal na mamumuno sa kaligtasan at kaayusan ng ating bansa.

Loading…