
- Matapos na pailawan ang Christmas tree sa Malacañan Palace, pinagningning din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ngiti ng mga empleyado ng Palasyo dahil sa magandang balita niya
- Inanunsiyo kasi ng pangulo na makatatanggap ang mga empleyado ng Palasyo ng Christmas bonus na nagkakahalaga ng ?60,000
- Mula sa orihinal na ?50,000 ay nadagdagan ng sampung libong piso ang bonus ng mga nasabing empleyado
Christmas bonus ang isa sa mga pinakainaabangan ng mga empleyado sa tuwing panahon ng Kapaskuhan. At isang magandang balita ang inianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga empleyado ng Malacañan Palace — ang pagtanggap ng mga ito ng Christmas bonus na nagkakahalaga ng ?60,000.

Ang magandang balitang ito ay sinabi ng pangulo nang pangunahan nito ang pagpapailaw sa Christmas tree na may taas na 40 talampakan na naka-display sa Kalayaan Grounds sa Malacañan Complex.
Ang orihinal na nakatakdang Christmas bonus para sa empleyado ng Palasyo ay ?50,000 tulad ng ibinigay sa kanila noong isang taon.
Ayon sa report ng PNA, naunang naipahayag ng Social Secretary ng Palasyo na si Annalyn Tolentino na sila ay mabibiyayaan ng Christmas bonus na nagkakahalaga ng ?50,000 na siyang ikinatuwa ng mga empleyadong naroon.
Lalo namang lumakas ang sigawan sa sobrang tuwa ng mga empleyado nang dagdagan pa ito ng pangulo ng sampung libong piso.
Ang dagdag na bonus ay karapat-dapat lamang umanong matanggap ng mga empleyado ng Palasyo dahil sa kanilang mahusay na pagbibigay ng serbisyo.
“In your genuine desire to serve our country, this administration was able to fulfill its promise to the Filipino people. Your dedication towards the work that you do is truly inspiring,” sinabi ng pangulo sa talumpati nito.

Samantala, pinaalalahanan naman ng pangulo ang mga empleyado na ipagpatuloy ang pagtulong sa kapuwa lalo na sa mga tunay na nangangailangan.
“As we light the Christmas tree, it is my ardent hope that it will serve as a reminder for everyone that we continue to light the lives of others especially those who are suffering from poverty and injustice,” dagdag pa ng pangulo.
Sa magandang balitang ito ng pangulo, marami ang umaasam na sana all ay mabigyan din.