Sari-sari store na ‘ipinangalan’ sa isang sikat na convenience store, pinatanggal ng manager

  • Trending ang isang sari-sari store dahil sa tema at pangalan nito
  • Ipinangalan kasi ang tindahan nang kahawig sa sikat na convenience store na 7-Eleven
  • Gayunman, pinuntahan ng manager ng isang 7-Eleven branch ang tindahan at ipinatanggal ang logo

Madalas na ipamalas ng mga Pilipino ang kanilang pagkamalikhain upang magpasaya ng kapuwa. Ang mga pinakahuling balita ay madalas gawaan ng memes sa social media. Pati sa pagpapangalan ng mga tindahan at establisimyento ay ginagamitan na rin ng kakulitan at ‘creativity’ ng maraming Pilipino upang mas mapansin ng mga customer.

Isa na sa mga tindahang trending ngayon dahil sa pangalan nito ang isang sari-sari store mula sa Agusan del Norte. Ang simpleng tindahan kasi ay hinango ang pangalan sa sikat na convenience store na 7-Eleven. Tinawag ang trending na tindahan na 7-Evelyn.

Larawan mula sa Facebook post ni Chad Gray Jet Pazaol

Simple lamang ang sari-sari store na nakatayo sa harap ng isang bahay. Ngunit agaw-pansin ito dahil sa logo ng tindahan na kinopya rin mula sa logo ng 7-Eleven. Maging ang bubong ng tindahan ay mayroon ding orange, green, at red stripes na trademark ng 7-Eleven.

Ayon sa uploader na si Chad Gray Jet Pazaol, hanga siya sa pagkamalikhain ng sikat na tindahan sa kanilang lugar sa Apagan 1 Seawall. Maraming netizens ang natuwa sa post niya na sa kasalukuyan ay mayroon nang 53,000 reactions at 79,000 shares.

Gayunman, natapos ang maliligayang araw ng 7-Evelyn nang puntahan ito ng isang branch manager ng 7-Eleven. Kinausap nila ang may-ari ng viral na sari-sari store dahil ayon sa manager ay labag sa batas ang ginawa nilang paggamit ng logo at trademark ng sikat na convenience store.

Batay sa Facebook post ng netizen na si Calvin Pasaol Carlson, napagkasunduan raw ng manager at may-ari ng tindahan na tanggalin ang logo at ang makulay na disenyo sa bubong ng tindahan. Protektado ng Intellectual Property Code ng Saligang Batas ang copyright, trademarks, layout design, at service marks ng mga negosyo, kabilang ang mga convenience store kaya hindi basta-basta magagamit ito ng ibang negosyo sa bansa katulad ng 7-Evelyn.

Larawan mula sa Facebook post ni Calvin Pasaol Carlson

At dahil aalisin na ang 7-Evelyn, naghahanap daw ng susunod na ipapangalan para sa sari-sari store. Kanya-kanya namang suhestiyon ang mga netizen na una na ring natuwa sa paandar ng 7-Evelyn.  Pero may ibang gusto pa ring manatili ang 7-Evelyn ngunit iibahin nga lang ang color scheme at disenyo ng kanilang logo.

“Pasalamat sila na-advertise sila eh. Change n’yo color and instead of straight line, i-wavy n’yo na lang,” sabi ng isang netizen na sinang-ayunan naman ng halos 200 netizens.

Loading…