Segment ng TPLEx Sison–Rosario, binuksan na sa publiko noong Pasko

  • Maaari nang daanan ang segment  Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx) sa Sison-Rosario 
  • Ipinahayag ito ni DPWH Secretary Mark Villar
  • Wala munang bayad sa toll fee bilang pamaskong regalo ng DPWH

Binuksan na sa publiko noong Disyembre 25, 2019, Pasko, ang segment ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx) sa Sison-Rosario upang mas maraming motorista ang makaranas ng mas ligtas at mas mabilis na biyahe patungong Norte ng Pilipinas.

Sa inspeksyon ni Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Mark Villar noong Lunes, Disyembre 23, 2019, sinabi niyang malaki ang mababawas sa travel time ng mga motorista na manggagaling sa Maynila patungong Baguio City, at malulunasan din ang matinding traffic jam mula Manila North Road patungong Kennon Road.

Public Domain Image

“Considering that Baguio is a go-to holiday destination, we opened the segment to provide ease to our tourists who want to experience the beauty of the City of Pines. While significantly cutting their travel time, we also want to ensure that the expressway is in its utmost quality for their safety,” saad ni Secretary Villar sa official website ng DPWH.

Wala munang babayaran ang mga motorista sa pagdaan dito bilang bahagi ng pagpapasinaya, bilang regalo ng DPWH sa kanila.

“Wala munang bayad ang Sison to Rosario Segment ng TPLEX. Munting regalo natin ito sa ating mga kababayan na uuwi sa kani-kanilang mga pamilya,” ani Secretary Villar.

Sinamahan si Secretary Villar nina Pangasinan Congressman Ramon V. Guico III, DPWH Senior Undersecretary Rafael C. Yabut, Public Private Partnership (PPP) Service Director Alex Bote, Pangasinan 3rd District Engineer George D.C. Santos, at Private Infra Dev Corporation Project Manager Wesley Bautista.

Ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx) ay isang 88.85 kilometro o 55.21 milyang mabilisang daanan (expressway) na nag–uugnay sa Gitna at Hilagang Luzon, kung saan ang pinakatimog na dulo nito ay sa Tarlac City, Tarlac at ang planong pinakahilagang dulo nito ay sa Rosario, La Union.

Karugtong ito ng North Luzon Expressway at Subic–Clark–Tarlac Expressway mula Tarlac papuntang Rosario, La Union.

Public Domain Image

Loading…