Sen. Bong Go, inirekomenda na mabigyan ng Christmas incentives ang mga elected barangay officials

  • Mga elected barangay officials tatanggap ng P3,000 Christmas incentive mula sa Office of the President
  • Ang incentive ay bilang bilang pagkilala sa walang kapagurang paninilbihan ng mga nabanggit na mga opisyales
  • Si Sen. Bong Go ang nagrekomenda kay Pangulong Duterte na bigyan ng insentibo ang mga barangay officials

Pagkakalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Christmas incentives ang mga elected barangay officials matapos itong irekomenda ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go.

Imahe mula sa Malacañang

Kabilang sa mabibiyayaan ng Christmas incentive na nagkakahalaga ng P3,000 ay ang mga nahalal na barangay captain, kagawad, Sangguniang Kabataan chairperson, at Indigenous People’s Mandatory Representatives.

Ang Christmas incentive, ayon sa senador, ay ibibigay bilang pagkilala sa walang kapagurang paninilbihan ng mga nabanggit na mga opisyales na naghahatid ng frontline services sa kani-kanilang komunidad na nasasakupan.

“Sinuggest ko po ‘yan kay Pangulong Duterte para mapasaya ang ating mga barangay officials na walang sawang nagseserbisyo sa kanilang mga komunidad,” sabi ni Senator Bong Go.

“Gumagawa po kami ng paraan ni Pangulong Duterte na mabigyan man lang kayo ng Christmas incentives o anuman po na pwede ninyong magamit ngayong Pasko para po sa mga elected barangay officials,” dagdag pa ng senador.

Aniya, ang insentibo ay isang paraan upang mabigyan ng kaligayahan ang mga barangay officials ngayong kapaskuhan habang hindi pa naisasabatas ang kanyang panukalang batas na Senate Bill no. 391 o ang Barangay Services Compensation Act na naglalayong mabigyan ang mga barangay officials ng sweldo at benepisyong katulad ng natatanggap ng mga regular na kawani ng gobyerno.

Imahe mula sa Malacañang

Samantala, labis na ikinatuwa ng mga empleyado ng Office of the President ang matatanggap nilang Christmas bonus na nagkakahalaga ng P60,000.

Inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Christmas bonus noong Lunes, ika-2 ng Disyembre, kasabay ng pagpapailaw ng 40-foot Christmas tree sa Kalayaan Grounds sa Malacañang.

Loading…