Shopping galore: Isang mamimili sa Lazada, gumastos ng P2.6 milyon sa kanyang shopping cart

  • Inilahad ng Lazada Philippines na isang online shopper ang gumastos ng P2.6 milyon sa naganap na 12-12 sale nila
  • Libo-libong piraso din ng mobile phones, sapatos, laruan, at alahas ang nabili sa nakaraang year-end sale
  • Nasa 12,000 sellers naman daw ang nakabenta ng milyong pisong halaga ng produkto

Katulad ng inaasahan, dumagsa ang online shoppers sa naganap na 12-12 o December 12 sale ng mga online shopping platform, partikular ang Lazada. Kung naging mabenta ang pre-Christmas sale nila noong November 11 o 11-11, dumoble ang mga numerong naitala ng malaking online shopping company sa pagsapit ng 12-12 sale nila.

Sa inilabas na infographics ng Lazada sa kanilang Facebook page, inilahad ng kompanya na gumastos ng P2.6 milyon ang isang shopper sa kaniyang shopping cart nitong December 12 sale. Doble ito sa largest shopping cart na naitala ng Lazada noong 11-11 na umabot naman ng P1.2 milyon.

Larawan mula sa Facebook page ng Lazada

Mga sapatos naman ang lumabas na best-selling item sa naganap na huling sale ng Lazada para sa taong 2019. Kung diapers ang nanguna noong Nobyembre, 503,000 na pares naman ng sapatos ang naibenta ng Lazada noong Disyembre 12. Marami din ang nag-shopping ng alahas dahil pangalawa ito sa best sellers na mayroong 374,000 pirasong naibenta.

Dahil panahon ng Pasko, marami ring online shoppers ang bumili ng regalo para sa kanilang mga sarili, partikular ng mga gadget. Tinatayang nasa 80,000 na piraso ng mobile phones ang naipagbili noong 12-12 dahil maraming units at brands ng cellphone ang nag-sale noong araw na iyon. Nasa 115,000 units naman daw ng powerbanks ang naipagbili ng e-commerce giant na Lazada.

Happy rin ang mga kids dahil maraming mga magulang, ninong, at ninang ang nag-shopping ng pang-regalo nila sa mga bagets. Umabot lang naman sa 187,000 na piraso ng laruan ang naipagbili nila noong araw lamang ng sale.

Larawan mula sa Pexels

Hindi lamang mga online shoppers ang natuwa sa nangyaring 12-12 sale. Dahil inilabas din ng Lazada ang datos na umabot sa mahigit 12,000 na sellers nila ang kumita ng milyong piso sa naganap na year-end sale ng Lazada. Bunga ito ng milyon-milyong paninda na naibenta nila. Sa katunayan, sa araw ng sale ay nakapagtala sila 6.6 million na items na naipagbili.

Magandang senyales naman daw ito ayon sa mga eksperto sa negosyo.

Ayon sa kanila, dahil sa tindi ng trapiko ngayon papunta sa malalaking shopping mall, mas pinipili na lang ng mga Pilipino na bumili sa online shop katulad ng Lazada. Makaiiwas na rin daw sila sa siksikan ng tao, mas nakatitipid pa sila dahil sa mura ng bilihin kapag sale ang mga online shopping sites.

Loading…