Subjects ng mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 3, pinababawasan

  • Mga subjects ng estudyante sa kindergarten hanggang Grade 3, iminumungkahing bawasan
  • Layon ng mungkahi na matutukan ang pagbabasa, Mathematics at GMRC
  • Dahil sa dami ng mga subjects ay napababayaan ang mga importanteng aralin na dapat matutunan, lalo na ang pagbabasa

Nakalulungkot ang resulta ng 2018 Program for International Student Assessment, isang pag-aaral na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development na layong ma-evaluate ang educational system ng isang bansa, kung saan kulelat ang Pilipinas sa reading comprehension at pangalawa sa pinakamababa sa science at mathematics.

Imahe mula sa JIP

Kaugnay nito, isang mambabatas ang nagmungkahi na bawasan ang mga subjects ng mga mag-aaral mula sa kindergarten hanggang sa Grade 3 upang matutukan ang pagbabasa, mathematics at good manners and right conduct (GMRC).

Ang mungkahi ay ginawa ni Congressman Roman Romulo, ang chairman ng House Committee on Basic Education and Culture.

Ani Rep. Romulo, dahil sa dami ng mga subjects ng mga mag-aaral ay napababayaan na ang mga importanteng aralin na dapat matutunan, lalo na ang pagbabasa.

Isiniwalat ng mambabatas na noon pang buwan ng Agosto nila iminumungkahi sa Department of Education na bawasan ang bilang ng mga subjects ng mga mag-aaral.

Dapat umanong Grade 1 pa lang ay naiintindihan na ng estudyante ang kanyang mga binabasa.

“Dapat GMRC, mathematics, at reading. Basic lang. Dapat tadtarin natin na dapat makapagbasa, matutong magbasa at makapag-comprehend Grade 1 pa lamang,” anang Congressman.

Imahe mula sa Save the Children PH

Sinabi pa niya na maging ang mga mag-aaral mula sa Grade 6 hanggang Grade 10 ay mababa ang score sa pagbabasa batay sa resulta ng kanilang National Achievement Test (NAT).

“Kung titingnan natin ‘yung resulta, ‘yung scores, halos pareho naman, hindi naman nalalayo. Ang NAT kasi, sa Pilipinas lang ‘yun. Pero doon, bagama’t sa Pilipinas lang ang exam na yan, makikita natin doon ‘yung percentage ng readers, yung frustrated readers,” sambit pa ng mambabatas.

Ang payo ni Rep. Romulo, ngayon pa lang ay dapat nang gumawa ng aksyon ang pamahalaan upang maitaas ang antas at maitama ang mababang kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga Pilipinong mag-aaral.

Imahe mula sa Motoring Today

Loading…