Tatay, may kakaibang pakulo sa pagbibigay ng regalo sa birthday ng kaniyang bunso

  • Naiibang pakulo ang sorpresa ng isang tatay sa kaniyang anak na bunso
  • Nagsagawa siya ng isang “piring–mata challenge” kung saan naglagay siya ng maraming pera sa isang kawa at malaya ang sinuman na dumampot ng isang bill
  • Inilagay niya rito ang bagong cellphone na regalo niya para sa kaniyang bunso

Mahal na mahal ng isang magulang ang kaniyang mga anak, kaya naman gagawin niya ang lahat upang mapasaya lamang ito.

Kaya naman, isang cool na tatay ang nagbigay ng isang naiibang sorpresa at pakulo para sa kaniyang bunsong anak na nagdiriwang ng kaarawan. Batay sa Facebook page at YouTube channel ng tatay na si “Joseph the Sand Artist”, ipinagdiwang nila ang kaarawan ng kaniyang bunsong anak sa pamamagitan ng isang “piring–mata challenge”.

Image capture mula sa YouTube channel ni Joseph The Sand Artist

Sa umpisa ng vlog ni Joseph habang nakasakay siya sa kotse, isinalaysay niya na bumili ng cake at cellphone ang kaniyang misis at anak na babae para kay bunso. Sa pamamagitan ng pakulong “piring–mata challenge” kung saan naglagay ang tatay ng napakaraming pera sa isang kawa, inilagay nila ang regalong cellphone upang madampot ito ng anak.

Simple lamang ang challenge. Habang nakapiring ang mga mata ng sinuman, kailangan niyang kumuha ng isang pirasong peso bill. Ito na ang kaniyang pamasko. Nang si Bunso na ang kukuha, inilagay nila ang regalong cellphone. Naging matagumpay naman ang bunso na makuha ang kaniyang inaasam na bagong cellphone! Sa katunayan, naiyak pa ang bata dahil sa sorpresa ng kaniyang ama.

Nagkomento naman ang mga netizen sa cool na pakulo ng tatay para sa kaniyang bunsong anak. Sabi ng isa, “Good vibes naman iyan! Magaya nga iyan sa mga parties na magkakaroon pa kami. Nice idea!”

Turan naman ng isang netizen, “Kitang–kita sa mukha ni birthday boy ang kasiyahan. Tama iyan Daddy Joseph. Punuin natin ng magagandang memories ang pagkabata ng mga anak natin para hindi sila maghanap ng pagmamahal sa iba, sa kanilang pagtanda.”

“Kudos, Mr. Joseph! Priceless na makita ang kasiyahan sa mukha ng isang anak,” pagbati naman ng isa pa.

Panoorin ang nakatutuwang “Surprise Prank” ni Daddy Joseph sa kaniyang bunso via YouTube channel:

Loading…