The dancing dog: Aso na sumasayaw kasama ang amo niya, naghatid ng good vibes sa mga netizens

  • Viral ngayon sa social media ang video ng isang aso na sumasayaw sa isang reggae music
  • Magiliw na sinasabayan ng aso ang bawat ng indak ng kanyang amo na naghatid ng good vibes sa mga netizens
  • Umabot naman sa isang milyon ang shares at 24 million ang views ng nasabing video

Noong 2011, napasayaw ang maraming Pilipino, maging mga ibang lahi, sa sikat na sayaw na ‘Teach Me How To Dougie.’ Kanya-kanyang cover ang mga mahihilig sumayaw at mga kaliwa ang paa na siya namang ina-upload nila sa social media.

Matapos ang ilang taon, hindi na dougie ang kinatutuwaan ngayon sa Internet kung hindi isang totoong doggy na. Trending ngayon sa social media ang video ng isang aso na enjoy na enjoy sa kanyang pagsasayaw na naghatid naman ng good vibes sa maraming netizens.

Larawan mula sa Facebook account ni Wendy Berenguer

Inupload ng netizen na si Wendy Berenguer sa kanyang Facebook account ang pagsasayaw nila ng kanyang asong si Bailey. Magiliw na nakisayaw ito kay Wendy sa saliw ng isang reggae na tugtugin. Habang humahataw ang kanyang amo ay hindi rin naman nagpakabog ang cute na alaga niya at umindak na akala mo ay isa ring tao.

Tumatayo pa ang aso upang gayahin ang dance steps ng kanyang amo na si Wendy. Umiindak ito sa musika habang nakataas ang dalawang paa at inililiko sa kaliwa’t kanan ang kanyang katawan. Dahil sa mahusay na pagsayaw ng aso ay tila ginanahan din ang amo na nagpasiklab din sa pag-indak.

Hindi man kuha sa Pilipinas ang video ay patok pa rin ito sa maraming netizens mula sa ating bansa. Maging ang mga social media users mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ay namangha sa kakaibang dance moves ng aso. Umabot na nga sa higit 384,000 reactions, 244,000 comments, at 1 million shares ang video tatlong linggo mula nang i-upload ito.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

May mga netizens na nagsabing tila mas magaling at mas energetic pang gumiling ang asong si Bailey kompara sa kanila. Kitang-kita kasi sa kalahating minutong video ang walang patid na pagsayaw ng aso na isang nakabibilib na talento. Marahil ay malinaw niyang naririnig ang tugtog kaya’t lalong ginaganahan? Ang ilan naman ay nagsabing kailangan na rin nilang turuan ng ‘the moves’ ang kanilang alaga para naman may maka-showdown din sa kanilang bahay.

May mga dog advocates naman na nagkomento rin at ayon sa kanila, ito raw ay isa sa mga dahilan kung bakit napakasarap mag-alaga ng isang aso. Maliban kasi sa pagiging loyal nito sa kanyang amo, ay marami ring talento ang mga aso. Maraming tricks din ang maaaring ituro sa mga alaga na makapagpapahanga sa mga tao.

Loading…